Maaaring bigyan ang mahihirap na pamilyang Pilipino ng karapatang manirahan sa lupa o bahay ng gobyerno nang hindi inililipat sa kanila ang pagmamay-ari nito, sa ilalim ng panukalang batas na inisponsor ni Sen. Francis “Chiz” Escudero sa Senado.
Gagamit ang panukala ng usufruct agreement, isang kasunduang nagbibigay sa benepisyaryo ng karapatang gumamit at makinabang sa isang ari-arian habang nananatili sa gobyerno ang pagmamay-ari nito.
“Through use of usufruct, this bill seeks to grant Filipino families the right to occupy, use, and enjoy government land and improvements for residential purposes while ownership remains in the state,” sinabi ni Escudero sa plenary session noong Miyerkules.
Kabilang sa maaaring makinabang ang mahihirap na Pilipinong walang sariling tahanan o ibang real property.
Hindi kwalipikado ang mga mayroon nang bahay o ibang real property, professional squatters, at mga miyembro ng squatting syndicates.
“Nakalatag sa provisions ng panukalang batas na ito kung sino-sino lamang ang maaaring makinabang sa sapat at disenteng pabahay sa ilalim ng panukalang batas na ito,” ani Escudero.
Ang bawat usufruct agreement ay kailangang nakapaloob sa nakasulat na kontrata na magtatakda sa mga karapatan at obligasyon ng benepisyaryo, pati sa mga kondisyon para magpatuloy ang paggamit niya sa ari-arian.
Ayon kay Escudero, ang kasunduan ang magsisilbing patunay ng karapatan ng benepisyaryo na tumira sa lupa o bahay, ngunit hindi ito katumbas ng titulo ng pagmamay-ari.
Para lamang sa tirahan ng benepisyaryo at kanyang immediate family ang ari-arian.
“Hindi ito maaaring ibenta, ipasa, paupahan, isangla o ipagamit sa iba maliban sa beneficiary at sa kanyang immediate family,” sinabi niya.
Maaaring kanselahin ang kasunduan kapag nilabag ang mga kondisyon nito. Ang benepisyaryong mapatutunayang lumabag ay maaari ring madiskwalipika sa anumang government housing program sa loob ng 10 taon.
Kailangan ding mairehistro ang kasunduan sa Registry of Deeds at mailagay bilang annotation sa titulo ng lupang pag-aari ng gobyerno.
“Kung ang usufruct ay ang karapatang gamitin ang isang bagay at tamasahin ang mga bunga nito, nawa’y magbunga ang panukalang batas na ito ng sapat at disenteng pabahay para sa milyun-milyong Pilipinong nangangailangan nito,” ani Escudero.
Isinailalim ang panukala sa special order at inisponsoran sa plenaryo.
Kailangan pa itong dumaan sa interpellation, amendments, at mga botohan sa Senado bago maipadala sa Kamara.



