BROOKE’S POINT, Palawan — Dead on the spot ang drayber ng isang motorsiklo habang binawian ng buhay ang kanyang asawa sa pagamutan sa bayan ng Brooke’s Point noong Huwebes, Abril 8, matapos makabanggaan ang isang shuttle van sa kahabaan ng kalsada sa Barangay Ipilan.
May mga sugat din sa katawan ang kanilang anak dahil sa aksidente na nangyari dakong 10 a.m. ng naturang araw.
Sa impormasyong nakalap ng Palawan News, kinilala ang tatay na si Behalde Carnain, 43, ang asawa nito na si Alma Carnain, at ang 16 anyos nilang anak na lalaki. Ang shuttle van naman ay dinadala ni Ramel Acojedo, 33, na nakatira sa Brgy. Sta. Monica sa lungsod ng Puerto Princesa.
Nangyari ang aksidente habang ang pamilya ay patungo sana sa isang pagpupulong ng 4Ps sa Sityo Linao, Brgy. Ipilan mula sa kanilang lugar sa Sityo Proper II nang mabangga sila ng isang shuttle van ng P.Rabbit.
Sa panayam ng Palawan News kay P/Lt. Mark Sigue, hepe ng Brooke’s Point Municipal Police Station, sinabi niya na matindi ang epekto ng aksidente kay Behalde pati sa kanyang asawa na si Alma kung kaya hindi na nakaligtas pa ang mga ito.
“Ang lalaki, dead on the spot, tapos ang asawa naman na babae ay dead on arrival sa ospital. Ang anak po nila sa ngayon ay under monitoring sa hospital. Medyo matindi rin ang tama ng bata dahil sa matinding banggaan,” sabi ni Sigue.
Nahaharap ang drayber ng shuttle van sa kasong double homicide resulting in physical injury and damage to properties.
