Oct 31, 2020

Lubak-lubak na kalsada sa Iraan sa bayan ng Rizal, inirereklamo

Ayon sa mga residente, tanging motorsiklo, traysikel, o habal-habal lang ang kayang pumasok sa lubak-lubak na kalsada. Ang iba ay gumagamit ng karitela na hila ng kalabaw para maibiyahe ang kanilang mga produkto gamit ang farm-to-market road na sinasabing proyekto ng National Irrigation Administration (NIA).

RIZAL, Palawan — Inirereklamo ng mga residente ng Sitio Damsite sa Barangay Iraan, Rizal, ang lubak-lubak na kalsada mula sa highway papasok dito na may limang kilometro ang haba.

Ayon sa mga residente, tanging motorsiklo, traysikel, o habal-habal lang ang kayang pumasok sa lubak-lubak na kalsada. Ang iba ay gumagamit ng karitela na hila ng kalabaw para maibiyahe ang kanilang mga produkto gamit ang farm-to-market road na sinasabing proyekto ng National Irrigation Administration (NIA).

Sabi ng 50 anyos na residente na si Jerma Labon, nahihirapan sila sa transportasyon dahil sa bukod sa mahirap na daanan ay mahal pa ang pamasahe.

“Mahirap talaga kasi dati ang singil lang sa pamasahe ay P25 hanggang P30 lang. Ngayon, pinakamura na ang P40 maliban pa dyan, hiwalay pa ang pamasahe sa pangarga naming produkto. Pinaka mababa ay P20 hanggang P50. Paano na lang kami,” pahayag niya.

Ang daing niya, ang lubak-lubak na kalsada ang nagiging dahilan kaya mataas ang pamasahe. Wala kasing gustong pumasok na traysikel.

Aniya, mainam sana kung maaayos ang kalsada dahil ito ay makakatulong sa kanilang pagbibiyahe ng produkto.

“Para lang po makatipid kami, naglalakad na lang kami. Tapos yong kalabaw na lang namin ang ginagamit, nilalagyan lang namin ng karo para doon isakay ang produkto namin na mga mais, mani, palay, copra at iba pang tanim sa bukid,” sabi ni Labon.

“Lalo na ngayon dahil sa COVID-19 na yan, talagang tinamaan kami, wala ng delivery truck para bumili ng aming produkto para dalahin sa San Jose sa Puerto. Kaya talagang wala kaming kita, pailan-ilan na lang na deliver namin sa bayan. Mahirap talaga ang aming sitwasyon,” dagdag niya.

Ayon naman kay punong barangay Dominador Pantalita ng Iraan, nakasalang na ang usapin sa Sangguniang Bayan para sa pagsasaayos ng kalsada.

 

 

“Mayroon na pong panukala tungkol po sa usapin na iyan, hinihintay po natin ang tulong ng probinsya dahil walang sapat na mga equipment na magagamit ang ating bayan para sa repair,” paliwanag ni Pantalita.

Aniya, nasisira ang kalsada dahil sa mga heavy equipment na dumaraan, at ganoon din ang mga truck na humahakot ng mga produkto.

“Ang madalas kasi na dumaan dyan ay ang mga truck na naghahakot o mamimili ng mga produkto at iyong mga may quarry. Pero ang usapan naman dyan na obligado rin silang ayusin ang daan. Yon nga lang dahil sa bago pa lang na-renew ang kanilang mga permits, kaya nakikiusap sila na baka sa ngayong panahon pa lang nila maayos ang kalsada,” sabi niya.

Ayon naman kay municipal councilor Arvin Fuentes sa pakikipanayam sa kanya ng Palawan News, mayroon ng pondo ang kanilang pamahalaan sa bawat taon para sa maintenance ng mga farm-to-market road.

Hindi lamang ang Iraan kundi ang iba pa sa buong munisipyo tulad ng Brgy. Candawaga. Pero dahil sa wala ring magamit na mga heavy equipment kaya delayed pa rin ang pagre-repair.

“Mayroon pong pondo yan kada taon, kaya lang walang available na heavy equipment, kaya sa ngayon ang priority ay bumili ng heavy equipment dahil mayroon tayong nakalaang pondo na higit kumulang sa P27 million ngayong taon,” sabi niya.

“Sa aking pagkakaalam dahil kami ay nag-uusap ng aking bayaw at siya ang municipal engineer ay nasa bidding process na ang ating heavy equipment na bibilihin para naman hindi na tayo laging nanghihiram sa probinsya at ayaw na natin makadagdag pa sa pasanin ng lalawigan, kung kaya sinisikap ng bayan na matugunan ang pangangailangan ng ating komunidad,” sabi ni Fuentes.

 

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry