Isinusulong sa Sangguniang Panglungsod ang ordinansang magtatakda ng regulasyon sa pagnenegosyo at pagluluwas ng mga lobster fry sa Puerto Princesa City.
Ito ay ang Sangguniang Draft Ordinance No.240-2021 na may titulong “ An ordinance providing for the regulation on the trading and exporting of perulus, juvenile and gravid spiny lobsters within the territorial jurisdiction of the city of Puerto Princesa and providing penalties for violation thereof and for other related purposes”, na iniakda ni City Councilor Elgin Robert L. Damasco.
Sa panayam ng PIA-Palawan kay Konsehal Damasco, sinabi niya na layunin ng panukalang batas na maprotektahan ang mga mangingisda laban sa mga mapagsamantalang negosyante na namimili ng lobster fry sa napakababang presyo.
“Ang pinakapunto kung bakit nais natin maipasa yun ay para mai-regulate ang bilihan, kasi sa ngayon dito sa Lungsod ng Puerto Princesa nasa P25-P30 per lobster fry ang presyo pero kung tutuusin naibebenta ng mga buyer ang mga lobster fry sa mas mataas na presyo lalo sa Vietnam, sa ibang bansa”, giit ni Damasco.
Ayon sa kaniya, dapat ay hindi bababa sa P100 ang presyo ng isang lobster fry lalo na’t naibebenta naman ito ng mga buyer o negosyante ng mahigit P200 kada isa.
Nakausap niya rin aniya ang mga buyer at sinabing hindi naman sila malulugi kung P100 ang itatakdang minimum price.
Magkagayunman, kung talagang mababa aniya ang bilihan sa pinagdadalhan ng mga negosyante ay maaari naman silang umapela sa bubuuing Lobster Council para magkaroon ng pagbabago sa minimum price.
Sa panukalang ordinansa, ang lalabag ay pagmumultahin ng P5,000 sa unang paglabag habang aalisan ng rehistrasyon at akreditasyon o di kaya ay pagkakulong ng hindi lalagpas sa isang taon sa ikalawang paglabag.
Nanindigan naman si Damasco na hindi bawal ang panghuhuli at pagnenegosyo ng lobstry fry basta ito ay nasa tamang laki na.
Batay sa Joint Fisheries Administrative Order No. 265 series of 2020 ng Department of Agrculture at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), ang lobster fry ay hindi maaaring hulihin o ikalakal kung hindi pa ito umabot sa maturity carapace length (CL) na 5.2 c.m hanggang 10.7 cm.
Sa ngayon ay tatalakayin pa sa Committee on Agriculture ang panukalang batas. (MCE/PIA MIMAROPA)
