Inaresto ng mga awtoridad dahil sa kasong child abuse ang live-in partner na sina Anabel Caseñares at Edgar Vicente sa Sitio Paratungon, Barangay Pangobilian, Brooke’s Point kahapon, Abril 27.
Unang naaresto si Caseñares, 19, bandang alas otso ng umaga sa Pangobilian, samantalang si Vicente, 33, ay naaresto kinagabihan ng mga alas syete sa kanilang bahay matapos ang follow-up operation ng mga pulis ng Brooke’s Point Municipal Police Station (MPS).
Ang dalawa ay inaresto matapos maghain ng reklamo ang nanay mismo ni Caseñares noong 2020 dahil sa pananakit nila sa anak na babae na noon ay isang taon at 10 buwang gulang lamang.
“September 14, 2020, nangyari ang crime. Sinasaktan nila ang anak nila, hindi lang namin alam pa kung madalas ang ginagawang pananakit pero may mga paso ng sigarilyo [ang bata],” pahayag ni P/Lt. Mark Sigue, ang hepe ng Brooke’s Point MPS.
Sa unang report ng Brooke’s Point MPS, nalaman na September 12 pa lang ay narinig ang batang babae na walang tigil ang iyak sa bahay ng mag-live-in partner. Nagtatrabaho noon si Caseñares bilang waitress at kauuwi lang bandang alas onse ng gabi.
Narinig umano ng lola ng bata ang madalas na iyak ng bata kaya noong September 14 ay pinuntahan na niya ito at kinuha mula sa anak at sa ka-live-in nito na si Vicente. Dinala niya ang apo sa rural health unit (RHU) kung saan nagpayo na ang tumingin na doktor na dalhin na ito sa ospital.
Ngunit bago pa man malabasan ng warrant ang magka-live-in, ayon kay Sigue, ay nalaman nila na nagkaayos na ang mga ito at ang lola ng bata. Mayroon na ring kasulatan sa pagitan ng mga ito at ng mga awtoridad.
Sa ngayon ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Brooke’s Point MPS ang dalawa at may nakalaang P80,000 na piyansa para sa kanilang pansamantalang kalayaan.
