Limang indibidwal na patungo sana sa bayan ng Dumaran upang dumalo sa libing ng isang kamag-anak ang nailigtas matapos masira at bahagyang lumubog ang kanilang bangka.
Nangyari ang insidente sa gitna ng masamang panahon sa karagatang sakop ng Calandagan Island sa Araceli nitong Miyerkules ng gabi, August 5.
Ayon sa Coast Guard Station North Central Palawan (CGSNCP), naiulat ang insidente dakong 6:16 ng gabi, dahilan upang agad na magsagawa ng search and rescue operation ang mga operatiba ng Philippine Coast Guard (PCG) sa tulong ng mga opisyal ng Barangay Calandagan.
Natagpuan ng search and rescue team ang bangka dakong 7:55 ng gabi na nasa 3.6 nautical miles mula sa isla.


Batay sa paunang imbestigasyon, patungo sa Barangay Bohon sa Dumaran ang limang sakay nang makasagupa sila ng masamang panahon habang naglalayag.
Nasira ang unahang bahagi ng bangka dahil sa malalakas na alon, na naging sanhi ng bahagyang paglubog nito.
Hinila ng Coast Guard ang bangka patungo sa Calandagan Island, kung saan binigyan ng agarang atensiyong medikal ang limang nailigtas.
Walang iniulat na nasawi o nasugatan sa insidente.



