Arestado ang isang 41-anyos na lalaki na kabilang sa most wanted persons ng bayan at nahaharap sa kasong frustrated murder noong August 23.
Ayon sa pulisya, inihatid at ipinatupad ng mga tauhan ng Brooke’s Point Municipal Police Statio ang warrant of arrest laban sa suspek na kinilala sa alyas na “Edwin,” isang magsasaka at residente ng Barangay Barong-Barong.
Itinuturing ang suspek bilang Top 1 most wanted person sa municipal level.
Ang warrant, na may petsang Agosto 12, 2026, ay inilabas ni Acting Presiding Judge Panfilo Intud Sala Jr. ng Regional Trial Court Branch 165 sa Brooke’s Point, Fourth Judicial Region.
Nagtakda ang korte ng P200,000 piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng suspek.
Ayon sa awtoridad, dati nang nasa kustodiya ng Brooke’s Point MPS ang suspek matapos siyang maunang maaresto nang walang warrant kaugnay ng parehong kaso.
Kusang-loob umano niyang isinuko ang kanyang mga karapatan at piniling manatili sa police facility habang inihahanda at isinusumite ang kanyang counter-affidavit.
Kasalukuyang isinasagawa ng Brooke’s Point MPS ang mga kinakailangang legal na proseso para sa tamang disposisyon ng kaso.



