Dead on arrival ang biktima nang dalhin sa ospital dahil sa matinding tama nito sa ulo.

Isang lalaki ang natagpuang walang buhay sa national highway na sakop ng Aplian sa Barangay Calasaguen sa bayan ng Brooke’s Point, dakong 8:45 kagabi, Agosto 4.

Ang biktima ay kinilalang si Carlos Dime, na sa edad 30-35, at residente ng Sitio Cadawan, Brgy. Taburi, Rizal.

Sa report ng pulisya, dead on arrival ang biktima nang dalhin sa ospital dahil sa matinding tama nito sa ulo. Ayon naman sa mga rumesponde sa biktima, nakita pa nila ang motor nito sa kalsada kaya inakala nilang naaksidente ito.

“Makikita mo na ang motor niya nasa gitna ng kalsada, una mo talagang iisipin ay nadisgrasya. Pero kung titingnan mo talaga ng husto ang mga bakas ng dugo, hinila lang siya,” pahayag ni P/SSgt. Ralph Calingayan, imbestigador sa naturang pangyayari.

- Advertisement -

Nakita rin ng mga pulis ang bakas sa gilid ng kalsada kung saan posible umano itong binugbog.

Hindi rin maiuugnay sa robbery ang insidente matapos na makita ng mga rumesponde na kumpleto ang mga gamit ng biktima.

“Sa gilid ng kalsada, sa kanal makikita ang bakas na doon siya binugbog muna. May nakita din kaming bayog na mahaba na posibleng ginamit sa paghampas sa ulo niya, kasi may mga buhok pa,” dagdag ni Calingayan.

Matapos na makausap ng mga pulis ang pamilya ng biktima, sinabi ng mga ito na hindi rin nila matukoy kung saan nanggaling at patungo ang biktima, at kung bakit nandoon ito sa lugar.

Samantala, patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga pulis ng Brookes Point upang matukoy ang mga responsible sa krimen.

Previous articlePensyon para sa mga senior citizens at PWD sa Quezon, ipinamahagi ng PSWDO
Next articleSSS reports increased educational loans this year
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.