Â
Isang guro ang nasawi at anim ang sugatan matapos maaksidente ang sinasakyan nilang pampasaherong van noong Huwebes ng tanghali sa national road sa may Sitio Tamlang, Barangay Samariñana sa Brooke’s Point.
Ang nasawi ay kinilala ni P/Cpt. Ric Ramos na si Joel Morada, 24, residente ng Balabac. Ang mga sugatan naman ay sina Mariel Tavera 28, residente ng Puerto Princesa; Eida Abadiano, 32, at Floriemei Martinez Abadiano, 35, pawang mga residente ng Cuyo; Chona De Vera Diaz, 34, mula sa bayan ng Narra; Glenn Villon Paz, 43, residente ng Balabac, at Clarence Aspera, 24, mula sa Aborlan.
Nasa kustodiya naman ng Brooke’s Point Municipal Police Station (MPS) ang drayber na si Rizaldy Layag, 41 na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injuries at damage to property.
Dead on arrival sa ospital si Morada na noong itinakbo ay wala ng malay. Ang mga nasugatan naman ay kasalukuyang nagpapagaling.
Ayon kay Ramos, sa paunang imbestigasyon ay nalaman na ang van ay papunta sa Puerto Princesa mula sa bayan ng Bataraza.
Nagpaikot-ikot sa national highway ang van dahil sa nahulog ang kanang gulong nito sa harapan sa madamong bahagi ng kalsada na naging dahilan upang mawalan ng kontrol ang drayber sa manibela.
Sa pahayag naman ni P/SSg Rochil Calingayan ng Brooke’s Point MPS, imbestigador ng pangyayari, sinabi nito na base sa salaysay rin ng mga biktima, malakas ang ulan at nagbabiyahe ang nasabing sasakyan ng bigla na lang itong nagpaikot-ikot ng tatlong beses.
Umang bumangga sa kanang parte ng steel barrier sa highway at pagkatapos ay sinundan naman ng pagbangga sa kaliwa.