Makikita sa larawan ang biktima ng motorcycle crash na si Jayvee dela Peña, 20 anyos, na nakahandusay sa gilid ng kalsada sa Barangay Tagburos noong Miyerkules, February 20. (Photo courtesy of Bandera Palawan)

Patay ang isang lalaking college student matapos mag-crash ang kanyang motor sa kahabaan ng national highway sa Barangay Tagburos mga pasado alas kuwatro ng madaling araw noong Miyerkules, February 20.

Kinilala ang biktima ng mga nag-imbestigang traffic police personnel bilang si Jayvee dela Peña, 20 anyos.

Ayon sa security guard na si Albert Kilat na nakasaksi, may narinig silang malakas na kalampag sa kalsada. Inakala ng mga ito na mga nangangalakal lang ng basura ang narinig nila.

Pero nang lumabas siya at tingnan kung ano ang nangyari, nakita niya na may mga tao sa kalsada at nagkakagulo.

“Narinig ko na may kumalampag sa labas. Pero nag-iikot pa kasi ako sa area namin kaya hindi ko muna pinansin. Pagbalik ko, nakita ko na may mga tao na sa labas. Pero patay na ‘yong naka-motor kaya ang ginawa namin ay tumawag kaagad kami sa 911 para ipaalam sa kanila na may naaksidente,” pahayag ni Kilat.

Sinasabing galing si Dela Peña sa Barangay Sta. Lourdes at pauwi na sana bago nangyari ang aksidente. May ilan ding nakakita sa biktima na nakayuko habang nagmamaneho at pagiwang-giwang ang takbo nito.

Dahil sa mabilis na pagpapatakbo, tumilapon si Dela Peña at ganoon din ang motor sa gilid ng kalsada, sabi ni Kilat.

“Mabuti na lang may mga tao agad na nakakita sa kanya. Ang ginawa nila, kinuha nila ang helmet tapos inilagay sa kalsada para malaman ng iba pang dumadaan na may aksidente kasi hindi mapapansin ‘yong tao sa damuhan,” idinagdag niya.

Previous articleCollege student, arestado sa hinalang pagbebenta ng marijuana
Next articleYAMANG BUKID: From illegal logging to organic farming