SAN JOSE, Occidental Mindoro — Nakakaapekto ang kasalukuyang kalagayan ng San Jose Port sa kalakalan ng lalawigan at pamimili ng palay ng National Food Authority (NFA), ayon kay NFA Administrator Judy Carol Dansal sa kanyang pakikipagpulong sa mga lider-magsasaka ng lalawigan kahapon.
Sinabi ni Dansal na limitado lamang ang bilang ng mga barkong maaring dumaong sa nabanggit na pantalan kaya aniya’y may mga pagkakataong hindi makapasok ang mga ito (barko) na kukuha ng bigas sa NFA San Jose upang dalhin sa iba’t ibang rehiyon.
Ang pagbabaw ng dagat sa harapan ng pantalan dahil sa patuloy na pagdami ng burak at putik mula sa kalupaan ang siyang itinuturong dahilan kung bakit iilan lamang ang maaring dumaong sa nabanggit na pantalan.
Kung hindi makakahimpil sa pier ang mga barkong kukuha ng bigas, hindi mababawasan ang laman ng mga kamalig, na siyang kailangan upang magkaroon ng paglalagyan ang mga bibilhing palay ng ahensya mula sa mga magsasaka.
Sinangayunan ito ni NFA Provincial Director Lilibeth Ignacio. Aniya, ginagamit na rin nilang imbakan ang labas ng warehouse upang magpatuloy ang kanilang pamimili ng butil sa mga magsasaka. “Subalit hindi pa rin ito sapat sa dami ng palay na nais ibenta sa ating ahensya,” saad ni Ignacio.
Ang kailangan aniya ay mailuwas sa iba’t ibang rehiyon ang mga bigas na nasa warehouse.
Kuwento ni Dansal, nakipag-usap na siya sa mga tagapamahala ng San Jose port upang hilingin na bigyang-prayoridad ang mga barkong mag-aangkat ng bigas mula San Jose patungong iba’t ibang lugar. Subalit, tugon aniya ng mga ito, tanging ang tanggapan ng Pangulo ang maaring makatulong sa idinudulog ng NFA Administrator.
“Susubukan nating lumapit kay Executive Secretary (Salvador) Medialdea, na kasapi ng NFA Council, upang tulungan tayo na maiapaabot sa Pangulo (Rodrigo Roa Duterte) ang ating kahilingan,” pahiwatig ni Dansal.
Dagdag pa ng NFA Administrator, maari ring hanapan ng solusyon ang sitwasyon ng San Jose port. “Lalapit tayo sa Department of Transportation (DOTr) o Philippine Ports Authority (PPA), mga ahensyang pwedeng tumulong sa dredging ng San Jose port,” dagdag pa ng opisyal. Ang dredging ay proseso ng paghalukay o pagkuha sa putik o burak sa ilog o dagat.
Samantala, ipinaabot naman ni Jose Franco Mendiola, kinatawan ni Governor Eduardo Gadiano, ang mensahe ng pasasalamat ng ama ng lalawigan sa pagbisita ng NFA administrator gayundin sa mga iprinisintang plano ni Dansal. Aniya, sakaling maisagawa ang nasabing dredging, hindi lamang problema sa butil ang masosolusyunan bagkus ay muling magsisilbing lagusan ng kalakalan ang pantalan.
“Marami na pong mga kumpanya ang nagpahiwatig sa atin na gustong makapasok upang makipagkalakalan, kaya lamang po ay hindi sapat ang ating pier sa kanilang mga shipping vessel,” ayon pa kay Mendiola. Ipinaabot din ng kinatawan ng Gobernador na tutulong ang pamahalaang panlalawigan sa paglapit sa mga ahensyang maaring magsagawa ng dredging sa San Jose port.