Photo from unsplash.com via travellarap

Malaking pahirap ngayon sa mga residente ng Coron at mga karatig isla nito sa Calamian ang kawalan ng pampasaherong biyahe ng barko at iba pang malalaking bangka na pansamantalang itinigil ang operasyon dahil sa pandemya na dulot ng COVID-19.

Maging ang iba pang isla sa ibang munisipyo bahaging norte ng Palawan ay nahihirapan din kaya ang tanging pamamaraan transportasyon ay maliliit na bangka na delikado lalo na kung malakas ang hangin at malalaki ang mga alon, ayon sa obserbasyon ni Coast Guard SCPO Dexter de Leon, acting station commander ng Coast Guard Station-Coron (CGS-Coron).

Ayon kay De Leon, simula noong taong 2020 ay maraming shipping companies ang huminto na sa paglalayag dahil sa pagkalugi.

“Yan ang pinaka malaking problema natin ngayon. Since nag-stop ‘yung operation ng mga shipping companies dito, yung Phimal, Montenegro, at 2Go last 2020, ang mga bangka dito, nagtatangka talaga na tumawid from El Nido to Coron at vice versa,” pahayag ni de Leon.

Dagdag niya, mahigpit na ipinagbabawal ang paglalayag ng mga hindi awtorisadong bangka lalo na ang pagsasakay ng mga pasahero.

“May mga nahuli na kami. Ito ang mga bangka na hindi coordinated at nagkakarga ng mga pasahero kaya nag isyu na kaming enforcement inspection apprehension report,” aniya.

Ayon kay De Leon ang mga ganitong paglabag ay may kaukulang multa na halagang P10,000 hanggang P30,000 at pagkansela ng kanilang lisensya at SIRB sa Maritime Industry Authority (MARINA).

Paliwanag niya, para masolusyunan ang problema ng isla ay nakiusap sila sa Sangguniang Bayan ng Coron na magpasa ng resolusyon para hilingin sa mga shipping company na ibalik na ang byahe ng mga barko, fastcraft, at iba pang malalaking bangka na dati nang bumabiyahe bago magkaroon ng pandemya.

Ilang bangka na rin ang sinusubukang kumuha ng mga special permit sa MARINA para makapaghatid ng mga pasahero mula Coron hanggang El Nido.

“Ang alam ko, sa ngayon ay may dalawang bangka na nag-apply for special permit to navigate sa MARINA. Malalaking bangka ito dito sa Coron na pwedeng maghatid ng mga pasahero. Makakatulong na ito, lalo pa at ang iba nating kababayan ay may mga kailangan ding importanteng asikasuhin sa Puerto Princesa,” aniya.

About Post Author

Previous articleDOH advises public to renew immunization certificates as QR codes issued before Feb. 7 are now outdated
Next articleOnly fully vaxxed travelers from visa-free countries can enter PH
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.