Bumaba ang kaso ng human immunodeficiency virus-acquired immunodeficiency syndrome (HIV/AIDS) sa Puerto Princesa at lalawigan ng Palawan noong 2020.

Ayon kay Dr. Emerose Moreno, Infectious Disease Cluster Head at HIV/TB program manager ng Department of Health (DOH)-MIMAROPA, nasa 173 kaso lamang ng HIV ang naitala noong 2020 kumpara sa 204 noong 2019.

Karamihan sa mga ito ay nasa age group na 25-34 taong gulang kung saan ang 50 porsyento ay mga lalaki na nakipagtalik sa kapwa lalaki, 37 porsyento naman ang lalaki na nakipagtalik sa kapwa lalaki at sa babae, habang 13 porsyento ang lalaking nagkaroon ng HIV na nakipagtalik sa babae.

“Karamihan sa 98 porsiyentong kaso ay mula sa lalaki at dalawang porsiyento ay mula sa mga babae”, ani pa ni Dr Moreno.

- Advertisement -

Ayon pa sa kanya, malaki ang posibilidad na ang rason ng pagbaba ng kaso ay ang nararanasang COVID-19.

“Yung pandemic na ating kinasasadlakan ngayon ay mayroong malaking bahagi kung kaya’t mayroon tayong pagbaba ng mga kaso ng HIV,” dagdag pa niya.

Paliwanag pa niya, hindi kasi maiiugnay sa pagbaba ng kaso ang mga ginagawang HIV intervention ng pamahalaan dahil naging hadlang ang pandemya sa pagtanggap ng mga pasyente ng mga serbisyo, hindi rin makatawid ang mga health workers para makapagbigay serbisyo sa mga HIV patient dahil sila rin ang mga gumaganap sa COVID 19 response at nagkaroon ng problema sa pag-angkat at pagtawid ng mga HIV drugs o Antiretroviral drugs mula sa Maynila patungo ng Palawan.

Ganoon man, nakapagtala naman ng 15 na bilang ng mga nasawi sa HIV noong nakalipas na taon kaya umabot na sa 46 ang total HIV deaths sa buong Palawan, kasama na ang siyudad ng Puerto Princesa.

Kinumpirma naman niya na sa unang dalawang buwan ng 2021 ay mayroon nang naitalang 18 kaso ng HIV cases sa buong lalawigan kasama ang lungsod.

Nagpaalala naman si Moreno sa publiko na hindi na gagaling pa ang may sakit na HIV/AIDS bagamat mayroon itong gamot, at walang pinipiling gender kaya para maiwasan ang pagkakaroon nito ay iwasan muna ang pakikipagtalik kung hindi pa handa, maging tapat sa asawa o partner, paggamit ng tama ng condom, huwag gagamit ng iligal na droga at alamin ang tamang impormasyon tungkol sa HIV/AIDS. (MCE/PIA-MIMAROPA, Palawan)

Previous articleMga katutubo, sasailalim sa pagsasanay ng solar light panel assembly
Next articleMga residente ng Magsaysay, huli sa iligal na pangingisda sa Agutaya