Bumaba ng 49% ang naitalang kaso ng dengue sa Palawan, kabilang ang sa Puerto Princesa City, sa unang 23 morbidity weeks ng 2026 kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Gayunman, patuloy na binabantayan ng mga health authorities ang ilang barangay na may aktibong pagdami ng kaso.
Batay sa datos ng Provincial Health Office (PHO), nakapagtala ang lalawigan ng 1,682 kaso ng dengue at 11 nasawi mula Morbidity Week 1 hanggang 23 ngayong taon. Noong kaparehong panahon noong 2025, umabot sa 3,317 ang naitalang kaso.
Ayon sa dengue surveillance report ng PHO, may 15 barangay ang may active clustering ng dengue sa Morbidity Weeks 21, 22, at 23.
Ipinapakita nito na may patuloy na lokal na hawaan sa mga lugar na ito kaya kailangan pa ring paigtingin ang mga hakbang sa pag-iwas at pagkontrol sa sakit.
Pinakamaraming kaso ang naitala sa Puerto Princesa City na may 507, sinundan ng Narra na may 188, at Bataraza na may 173.
Bagama’t pinakamataas pa rin ang bilang sa lungsod, bumaba ito ng 46% mula sa 933 kaso noong nakaraang taon.
May ilang bayan naman na nakapagtala ng pagtaas ng kaso ng dengue. Tumaas ng 32% ang kaso sa Narra mula 142 hanggang 188. Sa Brooke’s Point, umakyat ng 7% ang kaso mula 123 hanggang 132. Nagkaroon din ng pagtaas sa Balabac ng 58%, habang umabot sa 175% at 300% ang itinaas ng kaso sa Cuyo at Agutaya, bagama’t mula lamang ito sa mababang bilang noong nakaraang taon.
Samantala, malaki naman ang ibinaba ng kaso sa ilang bayan. Mula 382 kaso noong 2025, bumaba sa 36 ang kaso sa Coron o katumbas ng 91% na pagbaba. Bumaba rin ng 89% ang kaso sa San Vicente at 80% sa Taytay.
Kabilang sa mga barangay na may active clustering ang Santa Monica, San Miguel, Concepcion, San Jose, at San Manuel sa Puerto Princesa City; Marangas, Rio Tuba, at Sandoval sa Bataraza; Barangay IV at Tagumpay sa Roxas; Pangobilian at Tubtub sa Brooke’s Point; Culango sa Culion; Corong-Corong Poblacion sa El Nido; at Pulot Center sa Sofronio Española.
Sa kabila ng mga lugar na may clustering, ipinakita ng surveillance charts na nanatiling mas mababa sa alert at epidemic thresholds ang kabuuang bilang ng kaso ng dengue sa Palawan at Puerto Princesa City sa unang 23 linggo ng taon.
Patuloy na hinihikayat ng PHO ang publiko na alisin ang mga pinamumugaran ng lamok, panatilihing malinis ang paligid, magpakonsulta agad kapag may sintomas ng dengue, at makiisa sa mga hakbang ng komunidad upang maiwasan ang muling pagtaas ng kaso ngayong tag-ulan.



