Updated (as of 7 June, 3 PM). (We made appropriate changes from the original copy of this PIA story pertaining to its computation of percentage decrease in the incidence of dengue in Palawan. Editors)
Bumaba ng mahigit 70 porsyento ang kaso ng dengue sa Palawan mula Enero hanggang Mayo ngayong taon.
Ayon kay Provincial Health Officer Dr. Mary Ann Navarro, nakapagtala lamang ang lalawigan ng Palawan ng 182 kaso ng mga nagkasakit ng dengue sa unang limang buwan ngayong taon, mas mababa ito ng 651 kung ikukumapara sa kaparehong mga buwan noong 2019 na umabot sa 833.
Sa Alerto Palaweño sa COVID-19 virtual presser kahapon, sinabi ni Dr. Navarro na bagama’t kaunti lamang ang kaso ng naitalang dengue ngayon taon, ngunit nakakalungkot pa rin dahil may dalawang namatay dahil sa sakit na ito.
Ani Dr. Navarro, sa panahong ito ng pandemya ay dapat ding tutukan ang dengue dahil panahon na naman ng tag-ulan. Inatasan na nito ang mga Sanitation Inspector sa mga munisipyo na magsagawa ng clean up drive isang beses kada isang linggo at patuloy na isagawa ang ‘4S kontra dengue’.
Sa Palawan, ang Bayan ng Narra ang nakapagtala ng pinakamataas na kaso ng dengue sa na umabot sa 41, sinundan ito ng bayan ng Bataraza na may 29 kaso habang 22 naman sa Brookes Point, 13 sa Culion, 12 sa Quezon gayundin sa Sofronio Española, 11 sa San Vicente, 8 sa mga bayan ng Taytay gayundin sa Roxas, 7 sa El Nido, 5 sa Busuanga, 4 sa Coron, tig-tatlo naman sa Rizal, Dumaran at Balabac at isa naman sa Linapacan.
Dagdag pa ni Dr. Navarro na sa ngayon ay mahigpit ang ginagawang monitoring ng Provincial Health Office (PHO) upang mabantayan ang kalusugan ng mga Palaweño lalo na pagdating sa sakit na dengue sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng mga Rural Health Units (RHU) upang mapanatili ang mababang bilang ng kaso ng dengue sa lalawigan. (OCJ/PIA-MIMAROPA)