Patuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa ilang munisipyo sa bahaging sur ng lalawigan ng Palawan.
Kabilang sa mga bagong kaso ang limang naitalang positibo sa RT-PCR test at tatlong antigen reactive sa bayan ng Sofronio Española, araw ng Miyerkules, Hunyo 2.
Ang mga bagong kaso ay kinabibilangan ng apat na babaeng RT-PCR positive at dalawang babae at isang lalaking antigen reactive mula sa Barangay Pulot Center.
Ayon kay municipal health officer Dr. Rhodora Tingson, ang dalawa sa mga ito ay nagpa-check up sa isang hospital ngunit ng sila ay isinailalim sila sa antigen test ay nag-positibo kaya ini-refer sila sa Municipal Health Office para sa isolation.
“Dahil hindi admissible sa hospital, pinauwi dito sa atin ang dalawa at sila ay naka-home isolate na at binabantayan ng ating MIATF,” paliwanag ni Tingson.
Ang mga RT-PCR confirmed naman ay kasalukuyang nagpapagaling sa quarantine facility.
Sa kabuuan ay mayroong pitong active cases at 19 antigen reactive na binabantayan sa kanilang pasilidad ang bayan.
Sa bayan ng Balabac, apat na bagong RT-PCR positive case din ang naitala mula sa Bgy. Poblacion 2 ngayong araw ng Biyernes, Hunyo 4. Sa kabuuan ay may anim na aktibong kaso ng COVID-19 sa munisipyo.
Sa panayam ng Palawan News kay Mitra Tanjilani, hepe ng MDRRMO, sinabi nitong patuloy ang kanilang ginagawang paghihigpit sa kanilang bayan lalo na sa kanilang travel restrictions sa mga nagtutungo sa Balabac.
“Effective pa rin ang negative antigen test result sa lahat ng pumupunta dito sa ating bayan. Patuloy ang pag-iikot natin lalo na sa mga island barangay katulad sa Brgy Mangsee para bantayan ang lahat ng movement doon sa banta ng COVID lalo na ang ating bayan ay backdoor sa Malaysia,” pahayag ni Tanjilani.
Samantala, sa bayan ng Rizal ay nasa ilalim pa rin localized lockdown ang Bgy. Punta Baja kung saan, sa kasalukuyan ay may sampung aktibong kaso at sampung antigen reactive cases. Magtatagal ang lockdown sa barangay hanggang sa araw ng Martes, Hunyo 8.
“Umaasa tayo na sana after ng lockdown ay bumaba ang kaso ng hawaan sa ating bayan. Patuloy ang paghimok natin sa ating mga kababayan na sundin ang health protocols sa loob at labas ng ating tahanan,” pahayag ni Dr. Kathreen Luz Micu nitong araw ng Huwebes, Hunyo 3.
