PN file photo

Isang Toyota shuttle van ang naaksidente matapos mabangga ang isang kalabaw na tumatawid sa national highway sa Sitio Caraniogan, Barangay Malinao sa bayan ng Narra, dakong 5:00 ng madaling araw, ngayong Biyernes, Abril 22.

Ang driver ng shuttle van ay kinilalang si Harvey Oswald Careño, 33, residente ng Brgy. Sta. Monica, dito sa Puerto Princesa, habang ang mga pasahero nito ay kinilalang sina Hadji Oyong Abubakar, 38, at anak nitong 12 taong gulang, na mga residente ng Brgy. Pandanan, Balabac.

Ayon sa report ng Narra Municipal Police Station (MPS), nakatanggap sila bandang 6:20 ng umaga, nang tawag mula sa isang Arie Mejorada na humihingi ng tulong kaugnay sa nasabing aksidente.

Agad namang rumesponde ang Narra MPS, at ayon sa kanilang imbestigasyon, sinabi ng driver sa kanila na habang binabaybay nila ang kahabaan ng national highway mula sa Puerto Princesa patungo sa Bataraza, ay aksidente nilang nabundol ang isang kalabaw na pagmamay-ari ni Randy Fraginal, 39, magsasaka, at residente ng nasabing lugar.

Nagtamo ng sugat ang mga sakay ng van na dinala sa Narra Hospital. Habang isinusulat ang balitang ito ay wala pang ulat kung ano na ang kalagayan ng mga ito.

About Post Author

Previous articleACE Medical Hospital opens hemodialysis facility
Next articleEl Nido, Davao, Boracay popular among WTTC delegates