Isa na namang pasyente ng COVID-19 ang nasawi sa bayan ng Roxas nitong araw ng Martes, Hulyo 13.
Ayon kay Dr. Leo Salvino, Municipal Health Officer ng Roxas, ang pasyente na naitalang ika-siyam na nasawi sa bayan ay isang lalaking 49 taong gulang na residente ng Barangay 1.
“Siya ay binawian ng buhay sa Roxas Medicare Hosptial. Na-admit siya sa ospital nitong July 12 matapos na magkaroon ng sintomas gaya ng lagnat, ubo at hirap sa paghinga,” ani Salvino. “Hindi rin na-determine kung siya ba ay may comorbidity at ang probable place of exposure niya ay sa Puerto Princesa City,” dagdag niya.
Sa huling ulat ng MHO ay mayroong 15 aktibong kaso ng COVID-19 sa bayan ng Roxas kung saan, lima ay mula sa Barangay 3, tatlo mula sa Barangay 2, dalawa sa Brgy. Tumarbong at tag-iisa naman sa Barangay 4, Tagumpay, New Barbacan, Magara at Malcampo. Apat naman ang naitalang recoveries.
