Isang lalaki ang malubhang nasugatan at isa naman ang nasawi sa magkahiwalay na insidente ng pananaksak sa bayan ng Sofronio Española at sa Cagayan de Tawi-Tawi, araw ng Sabado, September 25.
Sa bayan ng Sofronio Española, nagtamo ng tama ng saksak sa likod ang biktima na kinilalang si Julne Biun Najal, 32 taong gulang, na agad dinala sa paggamutan, habang ang suspek naman ay kinilalang si si Victor Galo.
Ayon kay P/Lt. Nollie Vergara, hepe ng Española Municipal Police Station (MPS), dumalo sa kasalan ang biktima kasama ang pamangkin sa Barangay Isumbo dakong 7:00 ng gabi nang maganap ang pananaksak.

Nasa gitna ng kasiyahan sa nasabing kasalan at habang sumasayaw ang biktima ay bigla itong nilapitan ng suspek saka inundayan ng saksak at agad na tumakas pagkatapos.
“Um-attend sila ng kasalan, nagsasayawan na sila. Wala naman daw dahilan, bigla na lang siya nilapitan ng suspek, saka sinaksak siya,” pahayag ni Vergara.
Agad na dinala ang biktima sa Narra District Hospital para sa agarang medikasyon, habang patuloy ang isinasagawang manhunt operation mg mga pulis, para madakip ang suspek.
Sa Cagayan de Tawi-tawi, isang mangingisda naman ang nasawi matapos pagsasaksakin ng kasamahan nito sa sinasakyan nilang MG 24 fishing Vessel, dakong 6:00 ng gabi.
Ang biktima ay kinilalang si Jeremy Gastador Mendoza, 24 taong gulang, habang ang suspek na kasama nito sa trabaho ay kinilalang si Rosward Agustin Mendoza, 31.

Si Mendoza ay nagtamo ng tatlong tama ng patalim sa dibdib.
Ayon sa Brooke’s Point MPS, nakatanggap sila ng tawag kaugnay ng nasabing insidente kung saan, ang barko ay nagmula sa bayan ng Cuyo at nasa karagatang sakop ng Tawi-Tawi
“Nasa laot na sila ng Tawi-Tawi, sabi ng crew, nasa 10 nautical miles (ang layo) mula dito sa Brooke’s Point kaya dito na sila dumiretso para maimbestigahan, at para isuko ang auspek,” pahayag ng imbestigador.
Ayon pa sa mga kasamahan ng dlawa, nauna nang may pinagtalunan ang dalawa na nauwi sa pagbunuaan at nang mapansin nila ito at inawat ay nahulog sa dagat ang biktima.
Sa kasalukuyan ay iniimbestigahan pa ng Brooke’s Point MPS ang motibo ng suspek habang ang biktima naman ay nakatakdang isailalim sa post mortem examination.
