Isang buwan na aktibidad ang inihanda ng pamahalaang panlalawigan ng Palawan sa pamamagitan ng Provincial Nutrition Office (PNO) kaugnay sa pagdiriwang ng Buwan ng Nutrisyon ngayong taon.

Ang tema ng paggunita ay “New Normal na Nutrisyon, Sama-Samang Gawan ng Solusyon” at prayoridad nito ang kalusugan at nutrisyon pa ng bawat mamamayang Palaweño ang prayoridad sa mga gawaing ito.

Sa pangunguna ng National Nutrition Council (NNC) katuwang ang ibang ahensya ng pamahalaan, malaki ang paniniwala na makakamit ng bansa ang solusyon para sa problema sa nutrisyon kung patuloy ang pagtutulungan ng bawat isa.

Dahil sa malaking pagbabago sa lipunan dulot ng coronavirus disease o COVID19 pandemic, mas lalo pang dapat paigtingin ang kampanya para sa maayos at tamang nutrisyon ng mamamayan.

Ayon kay Provincial Nutrition Action Officer (PNAO) Rachel Paladan, kahit may pandemya na kinakaharap ay unti- unti na ring nahahanapan ng solusyon ang bawat problema sa nutrisyon.

“Meron tayong one month celebration sa Palawan kasama ang iba pang munisipyo natin… Tayo naman sa Palawan, full support tayo talaga sa lahat ng nutrition programs ng NNC, mandate din kasi natin ‘yan. Kahit na may COVID19 pandemic pa rin, nakikita natin ‘yong pagbabago o new normal na strategy natin and we have to adapt on that para sa good nutrition ng bawat isa,” bahagi ng panayam ni PNAO Paladan.

Nakapaloob sa isang buwang pagdiriwang ang pagsasanay o workshops sa mga nutrition service providers, malayang talakayan o symposium para sa nutrition stakeholders at iba’t ibang kompetisyon para sa mga kabataan at mahalagang gawain sa mga local government units kasama na ang bawat barangay sa mga munisipyo.

Samantala, nakatakdang isagawa ang regional launching ng Nutrition Month ngayong taon sa munisipyo ng Abra De Ilog, lalawigan ng Occidental Mindoro sa pangunguna ng NNC-MIMAROPA na inaasahang dadaluhan ng iba’t ibang nutrition stakeholders sa rehiyon bilang pagpapakita ng suporta sa programang pangnutrisyon sa MIMAROPA.

Previous articleTime to restore death penalty vs. big-time traffickers: PNP
Next articleEmpleyado ng gobyerno, todas sa pamamaril sa Oriental Mindoro