Naglatag ang Philippine Marine Corps (PMC) ng mga panukalang infrastructure projects para suportahan ang peace and security initiatives sa Palawan.
Ayon sa Palawan Provincial Information Office (PIO), tinalakay ng PMC Project Management Team at mga opisyal ng pamahalaang panlalawigan ang mga panukala sa isang pulong sa Provincial Capitol noong July 22.
Layunin ng mga proyekto na makatulong sa “pagpapalakas ng peace and security initiatives, pagpapabuti ng koordinasyon sa pagitan ng pamahalaan at Armed Forces of the Philippines,” at magkaroon ng pangmatagalang benepisyo sa mga komunidad.
Pinangunahan ni Brigadier General Alexander Gigantone ang delegasyon ng PMC, kasama sina Colonel Julius Colingan at Lieutenant Commander Nickomar Nisperos.
Si Vice Governor Leoncio Ola naman ang nanguna sa mga opisyal ng kapitolyo na dumalo sa pulong.
Hindi tinukoy ng PIO ang uri, lokasyon, halaga, at iskedyul ng mga panukalang proyekto.



