Maaaring madagdagan ng dalawang taon ang panunungkulan ng mga kasalukuyang barangay at Sangguniang Kabataan officials kung maisasabatas ang panukalang ilipat sa November 2028 ang halalang nakatakda sa November 2 ngayong taon.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2387 ni Sen. Francis “Chiz” Escudero, gagawing limang taon ang regular na termino ng barangay at SK officials. Ang dalawang taong maidaragdag sa kasalukuyang panunungkulan ng incumbents ay ibibilang na bahagi ng kanilang nakumpletong termino.
Tinalakay ang panukala sa plenaryo ng Senado noong Monday, September 7, kung saan iniugnay ng mga senador ang posibleng paglipat ng halalan sa Undas at sa pangambang kakaunti ang makaboto sa November 2.
“Ang date is November 2. At alam naman natin na ang Undas ay November 1. At maraming nag-take advantage na umuwi ng probinsya,” sinabi ng Senate President sa interpelasyon.
Aniya, nagbabala ang ilang punong barangay na maaaring hindi agad makabalik ang mga botanteng umuwi sa kanilang mga probinsiya.
“Ang feedback na kuha ko sa aming kapitan, na pag umuwi ng probinsya, malamang hindi babalik nang maaga para bumoto,” dagdag niya.
Kinilala naman ni Escudero na may datos na nagpapakitang maaaring bumaba ang voter turnout. Sinabi rin niyang may mga tungkuling hindi kayang pagsabayin ng barangay at SK officials sa pangangampanya.
“Tama po kayo, Ginoong Pangulo, may datos na mas mababa ang turnout. Pero maliban diyan, may tungkulin dapat gampanan ang ating barangay at SK officials na hindi nila kaya at puwedeng gampanan kasabay ng kanilang pangangampanya,” sabi ni Escudero.
Kasama rin sa panukala ang paglipat ng mga susunod na barangay at SK elections sa ikalawang Lunes ng November upang hindi ito tumapat o masyadong lumapit sa Undas.
“May amendment din kami sa Republic Act No. 12232 na igalaw ang petsa ng eleksyon sa ikalawang Lunes ng November, at hindi sa unang Lunes ng November na usually bumabagsak po ng Undas,” ani Escudero.
Gayunman, kinuwestiyon sa plenaryo kung naaayon sa Konstitusyon ang muling pagpapaliban ng barangay at SK elections. Binanggit ng Senate President ang naunang desisyon ng Korte Suprema laban sa pagpapaliban ng halalan.
“Magiging unconstitutional ba itong pagpapostpone natin ng barangay elections?” tanong niya.
Sa ilalim ng panukala, hindi na maaaring tumakbo sa kaparehong posisyon sa November 2028 ang mga barangay official na nasa kanilang ikatlong sunod na termino. Mananatili naman ang limitasyon na isang termino lamang para sa SK officials.
Hindi pa inaprubahan ng Senado ang SB 2387. Nasa yugto pa ito ng interpelasyon at wala pang mosyon o botohan para sa pag-apruba nito sa ikalawang pagbasa.
Hindi pa rin tiyak ang dalawang taong pananatili ng incumbents. Kailangan munang maaprubahan ang panukala ng Senado at Kamara at malagdaan ng pangulo bago mabago ang kasalukuyang iskedyul ng halalan.



