Humigit-kumulang sa 125 na sako ng hazardous ammonium nitrate at apat na styro boxes ng smuggled na sigarilyo ang nakumpiska ng operatiba ng Philippine Coast Guard (PCG) sakay ng BRP Cabra (MRRV 4409) matapos na masabat ang isang bangka sa karagatang sakop ng Malampaya gas platform sa bayan ng El Nido, araw ng Linggo, Hulyo 4.
Ayon kay Lt. Sg. April Bernal, hepe ng Coast Guard El Nido Station, ang mga nabanggit na kargamento ay nabili ng mga suspek na sakay ng bangka sa bayan ng Balabac na ang transaksyon ay ginawa sa gitna ng dagat.
Dagdag niya, nagsasagawa sila ng search operation kaugnay sa napaulat na tatlong mangingisdang nawawala at huling nakita malapit sa Malampaya platform ng masabat nila ang mga ito.
Dahil dito, inisa-isa ng Coast Guard ang lahat ng mga maliliit na bangka na namataan sa lugar, at pinayuhang umuwi na lamang dahil sa masamang panahon at dito nga ay napansin ng mga operatiba ang isang bangka na may pangalang M/B Escario Express patungo sa Malampaya Gas Platform. Sinubukan itong lapitan Coast Guard ngunit mabilis itong tumakas papalayo sa lugar, kaya naman naghinala ang awtoridad at agad itong hinabol na tumagal ng 25 minuto bago ito tluyang naharang.
“Nasa area kami para mag conduct ng search and rescue, kasi may reported na missing three fishermen. On going and search ng tumawag ang barko na marami pang maliliit na bangka, and since masama nga ang panahon ang instruction ko was, pabalikin silang lahat sa pier at mangisda na lang ulit kapag maayos na ang panahon,” pahayag ni Bernal.
“Lahat ay bumalik naman ng pier, pero itong isa lang na ito (M/B Escario Express) heading siya towards Dumaran, hindi siya sumusunod na bumalik sa pier, tapos bumilis ang takbo niya, hinabol siya hanggang sa naharang at napabalik sa pier,” dagdag niya.
Pagdating sa pier ay agad na nagsagawa ng boarding inspection ang grupo ng Coast Guard El Nido, kasama ang PCG K9 at BFAR MCS 3002 at dito nga natagpuan ang mga nabanggit na kargamento.
“Sabi ng may-ari ng bangka, siya na din ang operator, galing ng Balabac ang mga ito at dadalhin ng Dumaran. Sa gitna lang ng dagat nagkaabutan. Ginagamit daw po ito sa pangunguha ng seaweeds at sa mangga,” dagdag ni Bernal.
Ayon pa kay Bernal, nilabag din ng naturang bangka ang HPCG Memorandum Circular Number 05-12 o ang “Master’s Failure to Accomplished MDSD” at HPCG Memorandum Circular No. 07-12 o “Leaving Port Without PCG Clearance”.
Bigo rin umanong maipakita ng anumang dokumento o lisensiya sa pagdadala ng mga Ammonium Nitrate kung saan nilabag ng mga ito ang Section 2 ng Republi Act 9516 o ang “Unlawful Manufacture, Sales, Acquisition, Disposition, Importation or Possession of a Part, Ingredient, Machinery, Tool or Instrument Used or Intended to be Used for the Manufacture, Construction, Assembly, Delivery or Detonation.”
Matapos na makapaglagak ng kaukulang multa ay agad ding pinakawalan ang mga suspek na mahaharap sa administrative at criminal cases ayon sa El Nido Coast Guard Station.
