Maaaring mag-claim ng compensation ang mga pribadong manggagawa na makaranas ng heat stroke, heat cramps at heat exhaustion sa trabaho sa gitna ng matinding init na kaugnay ng El Niño, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Sinabi ni Labor Secretary Francis Tolentino nitong Biyernes na maglalabas ang kagawaran ng labor advisory na magtatakda ng mga panuntunan para sa pagbibigay ng benepisyo sa mga manggagawang magkaroon ng mga sakit na dulot ng init habang nagtatrabaho.
“The Employees’ Compensation Commission also handles SSS (Social Security System) and GSIS (Government Service Insurance System). I’ll be releasing a labor advisory where work-related heat-related injuries —like heat stroke, heat cramps, heat exhaustion — would be compensable,” ani Tolentino.
Bumubuo rin ang DOLE ng mga alituntunin para sa mga employer at manggagawa upang mabawasan ang panganib ng pagtatrabaho sa ilalim ng matinding temperatura.
Ayon kay Tolentino, nakasaad sa mga panuntunan na hindi dapat kaltasan ang sahod ng mga manggagawa kaugnay ng pagpapatupad ng mga hakbang na ito. Magkakaroon din ng katumbas na responsibilidad ang mga employer at empleyado upang mapangalagaan ang kaligtasan sa lugar ng trabaho.
“It’s written in the labor advisory that there should be no salary deductions… each category has corresponding responsibilities for the employer. The same goes for the employee, who must also follow rules for their own benefit,” dagdag niya.
Saklaw din ng nakatakdang labor advisory ang mga delivery rider. Ayon kay Tolentino, papayagan silang magpahinga sa mga itinalagang cooling station kapag matindi ang init nang hindi napaparusahan o nalalagay sa panganib ang kanilang trabaho dahil lamang sa pagkaantala ng delivery.
“We will have a labor advisory regarding delivery riders… they won’t be penalized if the delivery is late. They’ll be given a chance to stay in the cooling stations first,” aniya.
Bahagi ang mga hakbang na ito ng paghahanda ng DOLE sa inaasahang matinding init na dulot ng El Niño, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng mga manggagawa.



