ODIONGAN, Romblon — Pinasinayaan na ang bagong tayong halfway house at doctors’ quarter sa compound ng Romblon Provincial Hospital (RPH) sa Odiongan noong nakaraang linggo.
Ang pagbabasbas at inagurasyon ng dalawang pasilidad ay pinangunahan nina Governor Eduardo Firmalo, Chief of Hospital Dr. Benedict Anatalio at Dr. Ruth Cervo, chief ng DOH-Romblon.
Sinabi ni Gov. Firmalo na ang halfway house ay isang dormitory na proyekto ng Romblon provincial government para sa mga mahihirap na pamilyang may kamag-anak na naka-confine sa Romblon Provincial Hospital pero walang matutuluyan sa Odiongan.
Ayon pa sa gobernador, ito ang magsisilbing temporary shelter ng bantay sa pasyente habang nasa Odiongan sila para may maayos silang tulugan at matiyak din ang kanilang kaligtasan habang malayo sa kanilang mga bayan.
Ang doctor’s quarter naman aniya ay makakatulong sa mga manggagamot na nagdu-duty sa ospital ngunit walang sariling tirahan sa naturang bayan.
Ayon sa punong lalawigan, ang nasabing pasilidad ay malaking tulong sa mga doktor dahil makakatipid sila pagdating sa lodging at advantage rin ito para sa mga pasyente dahil malapit lang sa ospital ang mga manggagamot.
Samantala, sinabi rin ni Firmalo na mahigit 50 porsiyento ng tapos ang itinatayong Building 3 ng Romblon Provincial Hospital sa bayan ng Odiongan, Romblon.
Ang nasabing gusali aniya ay ipinatatayo ng pamahalaang panlalawigan sa tulong ng Department of Health sa pamamagitan ng kanilang Health Facilities and Enhancement Program (HFEP).
Batay aniya sa plano ng bagong gusali, ito ay lalagyan ng elevator para maging access ng mga pasyenteng may kapansanan o persons with disabilities o PWD.
Sinabi pa ng gobernador na kapag natapos ang Building 3 ng RPH ay makatutulong ito sa mga dumaraming pasyente na nako-confine sa naturang pagamutan at kanyang inaasahan na ang apat na palapag na bagong gusali ay matatapos sa susunod na taon.(PJF/DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)