Pinangangasiwaan ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ang kasalukuyang mga serye ng Community Consultative Assembly (CCA) para sa napipintong renewal ng mineral production sharing agreement (MPSA) ng Ipilan Nickel Corporation (INC) sa ilalim ng MPSA NO. 017- 93 -IV.
Ang nasabing mga aktibidad ay bahagi rin ng proseso ng Free, Prior, and Informed Consent (FPIC) sang ayon na rin sa NCIP Administrative Order No. 3, Series of 2012, upang pagkalooban ang nasabing kompanya ng Certification Precondition (CP) para sa renewal ng proyekto ng pagmimina ng INC.
Ang nasabing konsultasyon ay isinasagawa sa mga indigenous peoples, o katutubong Palaw’an, mula sa mga barangay ng Aribungos, Barong-Barong, Ipilan, Mambalot, Maasin, at Calasaguen, na siyang sakop ng Lugtang Kagurang-gurangan ng mga Katutubo na sakop ng MPSA ng nasabing kompanya.
Sa kabuuan ay apat na konsultasyon ang magaganap sa bawat barangay na nabanggit.
Ang mga serye ng ikalawang konsultasyon na ginanap nitong buwan ng Hulyo sa anim na mga barangay ay inilaan sa Ipilan Nickel Corporation, bilang proponente, upang ipaliwanag ang kanilang proyekto, maipakita ang mga pamamaraan para maibsan ang mga pangamba ng mga katutubo at mga residente, at maiprisinta ang mga programa at proyekto na maaaring mapakinabangan ng IP Community sa mga nasabing barangay, mula sa royalty na kanilang matatanggap mula sa kompanya, na mandato ng gobyerno.
Ito ay dinaluhan ng ilang miyembro ng Sangguniang Bayan ng Brooke’s Point, representante mula sa Environmental Legal Assistance Center (ELAC), at Conservation International (CI) sa imbitasyon ng mga katutubo, at ng kasalukuyang regional director ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) MIMAROPA na si Eng. Glenn Marcelo Noble.
Ang mga nasabing represente ay nabigyan ng sapat na pagkakataon upang magbigay ng mga kaakibat na impormasyon at linaw sa mga isyu hinggil sa usapin ng mina at karapatan ng mga katutubo.
Pagkatapos ng presentasyon ng INC, ELAC, at CI ay nagkaroon ng malayang talakayan at binigyan ng pagkakataon ang mga katutubo na ipaabot ang kanilang mga tanong at sentimyento na siya ring sinagot ng mga representante ng INC at iba’t ibang grupo.
Tinuldukan din ng INC ang ilang mga isyu na ibinabato laban sa kanila, partikular ang usapin kaugnay sa Certification Precondition ng kompanya.
Ayon sa external counsel ng INC, pinanghahawakan nila ang pahayag ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na ang kompanya ay hindi na kailangang kumuha ng CP dahil ang MPSA nito ay naaprubahan noong 1993, bago pa maisabatas ang Indigenous Peoples’ Rights Act.
Sa madaling salita, ayon sa INC, hindi saklaw sa pagkuha ng CP para sa nauna nitong MPSA na magtatapos sa taong 2025 ang CP. Ito ay base na rin sa tugon ng NCIP mula sa aplikasyon ng kompanya para makakuha ng CP na ginawa noong 2006.
Ang mga katutubo na rin ang siyang nagtatakda ng schedule ng mga serye ng konsultasyon. Sa unang linggo ng Agosto, ngayong taon, nakatakda ang mga serye ng ikatlong konsultasyon at dito ay isasagawa ang consensus building o ang pagbubuo ng kapasyahan ng mga katutubo.
Sakaling sila ay hindi pa magkasundo, magsasagawa pa ng ika-apat at huling serye ng konsultasyon at sa pagkakatong iyon, sila ay gagawa na ng kanilang desisyon kung sila ba ay papayag o hindi sa operasyon ng Ipilan Nickel Corporation.
Sa pagmamasid ng mga dumalo, malawak, malaya, at makabuluhan ang mga isinasagawang pagtitipong ito.