Ipinapaliwanag ni CHED Chairperson Dr. J. Prospero De Vera (kaliwa) ang mga panuntunan ng muling pagbubukas ng Face-to-Face classes ngayong taon ng paaralan 2021-2022 kasama si Atty. Joselito Alisuag, direktor ng CHED Mimaropa. (Larawan kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)

CALAPAN, Oriental Mindoro – Tatlong kolehiyo sa rehiyon ng MIMAROPA ang pinahintulutan ng ng Commission on Higher Education (CHED) na magsagawa ng face-to-face classes matapos na pumasa sa masusing inspeksyon ng mga ahensya ng pamahalaan, kabilang na ng Inter-Agency Task Force (IATF).

“Matapos dumaan sa inspeksiyon, amin ng pinapahintulutan na magsagawa ang tatlong paaralan sa MIMAROPA ng limitadong klase na face-to-face.” Ito ang ipinahayag ni Commission on Higher Education (CHED) Chairperson, Dr. J. Prospero E. De Vera III sa isinagawang press conference kasama si Atty. Joselito C. Alisuag, direktor ng CHED Mimaropa na ginanap sa Mindoro State University (MinSU) Calapan Campus kamakailan.

Ang tatlong kolehiyo ay ang Institute of Business, Science and Medical Arts, Inc. (IBSMA) sa Pinamalayan at Luna Goco Colleges, Inc. (LGC) sa lungsod na ito na matatagpuan sa Oriental Mindoro at Occidental Mindoro State College sa bayan ng San Jose, na ayon kay Atty. Alisuag ay pawang nasa isla ng Mindoro at kauna-unahan sa rehiyon na pinayagang mag face-to-face classes.

Ang mga nabanggit na paaralan ay kabilang sa 118 mula sa 400 institusyon sa buong bansa na pumasa sa mga masusing inspeksiyon ng CHED, Dept. of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force (IATF) sa loob ng apat na buwan na kung saan tumugon sa mga panuntunan ng IATF.

Ilan sa mga nakasaad dito ay ang paglalagay ng mga alcohol sa bawat daanan patungo sa mga silid aralan, mga signages kung saan dapat dumaan, bukas ang mga bintana ng silid upang maayos ang daloy ng hangin, na siyang nakapaloob sa 24 na pahinang panuntunan.

Dagdag pa dito, wala din aniyang aktuwal na bilang ng mga estudyante ang maaari sa isang silid aralan kundi, depende ito sa laki, pagpapanatili ng distansiya ng mga mag-aaral at pagpapatupad ng iba pang health protocols.

Sinabi pa ni De Vera, “ang mga kursong pinahihintulutan ng face-to-face ay Maritime Engineering, Medical/Medicine at Hotel and Restaurant Management (HRM) dahil kailangan ng mga ito ng hands-on at aktuwal na pagsasanay.”

Samantala, ang bilang ng mga mag-aaral na makikinabang sa naturang klase sa buong bansa para sa taong 2021-2022 ay 9,700 na kung saan 0.3 porsiyento o 41 dito ay nagpositibo sa COVID19, habang ang bilang ng mga guro ay 1,000 at napagalaman din na 1.4 porsiyento dito o 15 ay positibo sa COVID19.

Matapos ang nasabing presscon ay pinasinayaan ng dalawang opisyales ng edukasyon ang pagpapalit ng pangalan ng Mindoro State College of Agriculture and Technology (MinSCAT) sa Mindoro State University (MinSU) at pagtatalaga sa unang pangulo ng MinSU na si Dr. Levy B. Arago, Jr. (DN/PIA-OrMin)

About Post Author

Previous articleDepEd eyes establishing northern and southern Palawan sub-offices
Next articleConversion of seven Palawan provincial roads pushed in Congress