(File photo)

SAN VICENTE, Palawan — Isinumite na ni Mayor Amy Roa Alvarez sa Sangguniang Bayan noong Biyernes ang panukalang P562.9 milyon na Executive Budget para sa taong 2022 ng lokal na pamahalaan ng San Vicente.

Sa budget message, inihayag ng tanggapan ng mayor ang mga programa, proyekto at aktibidad na bibigyang prayoridad ng lokal na pamahalaan sa layuning patatagin ang kakayahan ng mga mamamayan sa patuloy na paglaban sa pandemyang dulot ng COVID-19 at ng mga inisyatibong tutulong upang maibalik ang sigla ng lokal na ekonomiya sa munisipyo.

Nakapaloob sa naturang annual budget ang inilaang nasa P90 milyon para sa pagpapaigting ng COVID-19 response at mitigation at resiliency, kabilang ang pagtataguyod ng ICARE program o Integrated COVID Aid and Restarting the Economy Program.

“Pandemic response and mitigation measures coupled with resiliency PPAs will continue to be our top priority for the coming year. Our current focus on the improvement of our healthcare system to reduce morbidity will be maintained as is social protection services and cash assistance, and agricultural programs for food security that also preserve the livelihood of our farmers and fisherfolks, among others. There will be more PPAs focused on providing job opportunities for displaced individuals and training programs for livelihood,” bahagi ng budget message ng alkalde.

Prayoridad sa susunod na taon ang pagbibigay ng pagsasanay, trabaho at pagkakakitaan nang sa gayon ay mas marami pang mamamayan ang matutulungang umangat ang estado ng kanilang pamumuhay bilang pagtugon sa problema sa kahirapan at pagkain ng bawat pamilya sa komunidad.

May P111 milyon inilaan naman para tugunan at palakasin ang sektor ng mga bata, kabataan, kababaihan, nakatatanda, katutubo, persons with disability, individuals in crisis situations at mga magsasaka at mangingisda.

Aabot sa P113 milyon ang itinakda para sa direkta at aktuwal na suporta ng lokal na pamahalaan sa mga barangay na kinabibilangan ng programs for barangay renewal and restoration, sitio and purok economic development, barangay social welfare, youth and manpower development, agriculture and fisheries mechanization at water and power supply systems.

Ang taunang Barangay Renewal and Restoration Program ay itinaas na rin sa P5 milyon kada Barangay at naglaan din ng may kabuuang P10 milyon para sa prayoridad ng bawat sitio at  purok. Kasama na ang insentibo sa bawat opisyal ng mga sitio at purok para sa pagbalangkas ng kanilang sitio/purok development plans.

“Napakahalaga na direktang matulungan ang mga sitio at purok organizations kasi ito ang nakakaalam ng pangangailangan ng kanilang lugar. Naniniwala ako sa bottom-up approach pagdating sa pag identify ng mga projects sa mga sitio at purok. Kaya palalakasin natin ang mga ito at popondohan ang kanilang mga maa-identify na mga projects,” paliwanag ng mayor.

Matatandaang regular na naglalaan ang Alkalde sa taunang budget ng P3 Milyon para sa development programs ng kada barangay. Sa isinumite niyang 2022 Executive Budget, itinaas niya ito sa P5 milyon kada barangay at sinama na rin sa suporta ang mga sitio at purok organizations.

Ang special purpose appropriations ay nagkakahalaga naman ng P232,205,983.87 kung saan nakapaloob ang P177 milyon para sa development programs and projects, P32-M para sa disaster preparedness, P17-M para sa operasyon ng MEEDO, at P4-M sa terminal leave benefits.

Ang subsidiya para sa MEEDO ay magsisiguro ng tuloy-tuloy na operasyon nito bilang tugon sa pagpapatupad ng pansamantalang pagpapaliban ng singil sa serbisyong patubig ng San Vicente Water Works at ng temporary rental holiday ordinance para sa mga nangungupahan sa palengke.

Samantala, ang naturang panukalang pondo para sa taong 2022 ay higit na mas mataas kung ikukumpara sa pondong inilaan ngayong taong 2021 na nasa P457.9 milyon. Ito ay dahil sa inaasahang pagtaas ng National Tax Allocation bunsod ng pagpapatupad ng Mandanas Ruling ng Korte Suprema.

Ang panukalang pondo ay isinumite upang makakuha ng pahintulot o authorization sa paggamit nito mula sa Sangguniang Bayan.

Previous articleNew LPA shows up near Coron
Next articlePhilippines eyes US$5 billion in new loans