SOFRONIO ESPAÑOLA, Palawan — Pinasinayaan at binuksan noong Martes, sa bayan na ito ang dalawang malaking regional evacuation centers na pinagtulungang pondohan ng iba’t-ibang ahensya.
Ang mga ito ay pinondohan ng Office of the Civil Defense (OCD) na isinakatuparan ng Department of Public Work and Highways (DPWH) sa pakikipagtulungan ng pamahalaang panlalawigan at ng local government unit (LGU) ng Sofronio Española.
Sa panayam ng Palawan News kay Mayor Marsito Acoy, sinabi nito na malaking tulong ito para sa kanyang bayan na mayroon nang magagamit para maging evacuation center sa panahon ng kalamidad o sakuna.
Ayon kay Acoy, ang isang unit ay ginagamit na ng municipal IATF para gawing quarantine and isolation facilities para sa mga LSIs, APORs o ROFs na dumadating sa Sofronio Española. Ang isa naman ay ilalaan para magiging ligtas na lugar kung sakaling magkaroon nang paglikas ang mga residente sa panahon ng kalamidad kung kinakailangan.
“Una nang nagamit natin ang isa para sa quarantine at isolation facility natin. Nagpapasalamay kami na ang ating bayan ay napagkalooban ng ganitong kalaking proyekto ng OCD,” sabi ni Acoy.
Nagkakahalaga ng mahigit 60 million pesos ang ipinondo ng OCD para sa naturang munisipyo.