Isinagawa sa mismong municipal compound ng Aborlan ang dry run para sa paggamit ng Staysafe.ph mobile application noong araw ng Lunes, July 26, na makakatulong sa management ng COVID-19 cases sa pamamagitan ng pagpapaalala sa mga mamamayan tungkol sa physical distancing at pag-record ng sintomas ng sakit.
Ang dry run ay pinangasiwaan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) na isinagawa buong araw.
Sa entrance ng munisipyo, naglagay ng Staysafe.ph QR code ang MDRRMO upang ma-i-scan ng mga empleyadong papasok sa loob at ng mga residente na may kailangan at transaksyon sa loob ng gusaling bayan.
Sa pamamagitan ng pag-scan sa QR code ay malalaman ang health condition ng papasok at ang kaniyang pangalan.
Ayon kay MDRRMO Chief Jonathan Pizana, ginawa ito upang makapag-practice ang bawat isa sa nasabing mobile application na inirerekomenda ng Department of Health (DOH) na ngayon ay ginagamit na sa buong bansa upang mas mapabilis ang sistema ng contact tracing sa COVID-19.
“Practice palang ito at sa tingin naman natin magiging epektibo ito sa atin upang mabilis ang ginagawang contact tracing sa ating bayan,ang iba naman ay nakapag open at scan sa mga may touchscreen na cellphone at smartphones,” sabi niya noong Martes, July 27.
Ayon pa sa kanya, ang walang smartphones na pumasok at sumailalim sa dry run ay isinulat na lamang nila ang kompletong pangalan, tirahan, telepono, at temperatura.
“Naintindihan natin ang iba pero ito lamang po ay IEC palang natin, hindi pa natin alam kung ito ay maaari ng ipatupad sa lahat ng mga business establishments sa ating bayan pero naniniwala tayong mas magagamit ito sa contact tracing natin,” dagdag niya.
Pahayag ni Pizana, hihintayin nila ang rekomendasyon ni Mayor Celsa Adier at ng buong MIATF kung ito ay ipapatupad na sa buong bayan ng Aborlan lalong-lalo na sa mga malalaking opisina ng gobyerno at business establishments.
Magugunitang na noong April 10, 2021, ay pinagtibay ng National Inter-Agency Task Force (NIATF) ang Resolution No. 109 at inirekomenda ng National Economic and Development Authority (NEDA) sa kanila na gamitin ang Staysafe.ph system para mas mapabilis ang contact tracing sa buong bansa upang labanan ang COVID-19.
Sa hiwalay na panayam ng Palawan News kay Mayor Adier, ipinahayag niya na naniniwala siyang magiging malaking tulong ang app sa lahat ng mga mamamayan sa kaniyang bayan upang malaman agad aniya at mahanap kung sino ang mga maaaring mga nahawaan ng sakit.
“Open tayo kung ito ay irerequire natin sa ating bayan, alam natin naipatupad na ito sa buong bansa pati nga sa mga inbound travelers natin mula sa labas papuntang mga probinsya,require sa kanila ang application na ito, siguro titingnan pa natin ito ng maigi at maayos,” sabi ni Adier noong Martes, July 27.
