Inirekomenda sa Sangguniang Bayan ng Narra ang agarang pagsasagawa ng desilting, dredging, at iba pang mitigation measures sa mga pangunahing ilog sa munisipyo upang matugunan ang paulit-ulit na pagbaha sa 15 lugar at barangay.
Inihain ni Konsehal Ernesto Ferrer ang panukala sa kanyang privilege speech sa regular na sesyon ng konseho noong Lunes, September 7.
Binigyang-diin niya ang pangangailangang palalimin at linisin ang mga ilog na dumadaloy sa mga lugar na nakararanas ng pag-apaw ng tubig.
Kabilang sa mga tinukoy na lugar ang Barangay Dumanguinia, Purok Bagong Sikat sa Barangay Tinagong Dagat, at mga barangay ng New Estrella, Malatgao, El Vita, Taritien, Antipuluan, Panacan 2, Poblacion, Malinao, Caguisan, Batang-Batang, Teresa, Princess Urduja, at Aramaywan.
Ayon sa panukala, kailangang alisin ang naipong putik at sediment na nakahahadlang sa pagdaloy ng tubig patungong dagat. Layunin nitong mabawasan ang pag-apaw ng mga ilog at ang epekto ng pagbaha sa mga residente.
“Gusto natin na magkaroon ng dredging, desilting, at land mitigation measures. Kailangan natin ng agarang aksyon,” ayon kay Ferrer.
Sinabi sa panukala na mahalagang agad na maipatupad ang mga proyekto upang mabawasan ang panganib sa buhay at maiwasan ang pinsala sa mga bahay, ari-arian, at pananim tuwing tag-ulan.
Inaasahang makikipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang kaugnay na ahensya para sa posibleng pagpapatupad ng mga dredging operation.



