Walang problema sa suplay at presyo ng mga gamot sa bansa, ayon kay Department of Health (DOH) Sec. Teodoro Herbosa, ngunit magpapatupad na health agency ng mas mahigpit na monitoring upang matiyak na walang magsasamantala sa presyo.
Ayon sa pahayag ni Herbosa noong Sabado, April 11, may sapat na imbentaryo ng mga gamot sa bansa at walang kakulangan sa merkado sa kasalukuyan.
“There is no problem with the supply of medicine. There is no problem with the price. We have good inventory,” pahayag niya.
Aniya, personal niyang imo-monitor kada linggo ang 10 uri ng gamot, kabilang ang antihypertensive, anti-diabetes, anti-cholesterol, antibiotics, at iba pa, upang bantayan ang price movement.
Gayunman, kinilala ng DOH na posibleng maapektuhan ang presyo ng gamot dahil sa gastusin sa transportasyon, lalo na kung tataas ang singil ng mga kumpanya sa abroad.
“Our problem is what happens to the price. But it will be affected by how you ship it,” pahayag pa ng kalihim.
Ipinaliwanag niya na may umiiral nang Drug Price Monitoring Index alinsunod sa Cheaper Medicines Act, kung saan obligadong mag-monitor ang DOH, Department of Trade and Industry (DTI), Department of the Interior and Local Government (DILG), at mga lokal na pamahalaan.
Regular din na nagsusumite ng datos ang mga supplier, botika, at maging mga pasyente hinggil sa presyo ng gamot, na kalaunan ay inilalathala para sa publiko.
Makikita rin umano ang mga presyong ito sa eGov platform sa ilalim ng Drug Price Watch, kung saan maaaring tingnan ng publiko ang pinakamurang gamot at ang pinakamalapit na botika.
Ayon pa kay Herbosa, mas tututukan ang mga gamot para sa non-communicable diseases, tuberculosis, at iba pang kritikal na kaso upang matiyak na hindi tataas ang presyo ng mga ito.



