Habang ako ay nag-eehersisyo sa Baybay, may isang bagay na pumukaw sa aking isipan. Napansin ko at natanaw ang isang bughaw na basurahan. Dagli akong napabuntong-hininga at nasambit ko, “Kay gandang basurahan, at sana’y dito na lamang nailalagay ang ilang basurang namamataan natin sa Baybay na nagmumula sa ilang mamamayang nagtutungo rito.”
SANA’Y MAY AMBAG TAYO PARA KAY PRINCESA
Ang pagiging responsable ang maaari nating maging munting ambag para kay Princesa. Maliit na paghingi ito, subalit may malaking dulot upang mapanatiling malinis at balanse ang magandang anyo ng lungsod. Nawa’y palagi nating itanim sa ating isipan at puso na minsan na tayong kinilala bilang Hall of Fame Awardee bilang “the Cleanest and Greenest City Component of the Philippines.”
ANG PAGSUNOD SA ALITUNTUNIN BILANG AMBAG NATIN
Napakasimple ng mga pamantayang ito, subalit ramdam kong kaya naman natin itong gampanan, lalo na’t ang pangalan ni Princesa ang nakataya. May mga ordinansa ang lungsod gaya ng Anti-Littering Ordinance at City Ordinance No. 993 on Single-Use Plastic and Styrofoam Regulation na naglalayong mabawasan o maiwasan ang pagkalat at pagdami ng mga basurang isahang gamit. Kung hindi natin ito masusunod, nagiging usapin na ito ng tinatawag na “behavioural change.”
ANG ISYU NG BEHAVIOURAL CHANGE
Nang pumutok ang usapin tungkol sa hamon ng paggamit ng single-use plastic, dito natin napagtanto na kung uugatin ang problema, ito ay tila nakabatay sa pag-uugali ng bawat indibidwal.
Hindi kaya tunay na nakaapekto sa kamalayan ng mga mag-aaral ang pagkawala ng GMRC o Good Moral and Right Conduct sa pagtuturo? Maaaring mayroon pa ring bahaging tumatalakay rito, subalit hindi kaya ito ay naisingit lamang sa bawat aralin? Hindi kaya mas mainam na magkaroon ng isang asignaturang nakatuon lamang sa paghubog ng pag-uugali upang ganap na matalakay ang aspetong ito?
BAHAGI RIN ANG PANGIL NG MGA BATAS O ORDINANSA
Sa huli, kinakailangan din ang pagpapaigting ng pangil ng ating mga batas at ordinansa. Isa ito sa aking mga natutunan noong ako’y nasa kolehiyo pa. Hindi ito usapin ng takot sa ordinansa, kundi ng respeto at paggalang dito. Ito ang pananaw na nakatanim sa aking isipan noon at naniniwala akong nararapat itong sundin at igalang.
ANG PAGKILALA KAY PRINCESA
Nadadala ko rin ito sa ibang lugar, lalo na kapag may mga pagsasanay o pambansang kumbensiyon sa labas ng lungsod, gaya sa Baguio. Kapag nababanggit ang Puerto Princesa City at sinasabing nagmula sa isa sa pinakamalilinis na lungsod sa Pilipinas, tunay itong nakakapagbigay ng dangal at pagmamalaki. Ramdam ang pansin at paghanga ng mga kapwa kalahok na nagmumula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.
DAPAT, BASTA TAGA PUERTO, DISIPLINADO
Sa huli, tayo pa rin ang tunay na gumagawa ng marka. Ang ating mga munting ambag ay may malaking epekto sa pangalang matagal na nating iningatan. Ibalik natin ang tatak na minsan na nating ipinaglaban at patuloy na paninindigan hanggang ngayon. Tunay na sapat para sa bayan ni Princesa ang paniniwalang, “Basta taga Puerto Princesa, disiplinado.”



