Tinatayang 344 baboy ang pinatay sa Barangay Concepcion, Agutaya matapos makumpirma ang African Swine Fever (ASF) sa lugar, bilang hakbang upang pigilan ang pagkalat ng virus sa ibang bahagi ng Palawan.
Ayon sa Palawan Provincial African Swine Fever Task Force (PPASF-TF), 210 baboy ang pinatay sa unang araw ng operasyon, habang tinatayang 134 ang kabilang sa ikalawang batch.
Pinangunahan ng Provincial Veterinary Office (PROVET) ang operasyon, katuwang ang pamahalaang bayan ng Agutaya at Barangay Concepcion. Nilinis at dinisinfect din ang lugar matapos patayin ang mga baboy.
Sinabi ng task force na bagama’t nagdulot ito ng pagkalugi sa mga magbababoy, kailangan ang hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng ASF sa mga karatig-barangay, iba pang mga isla, at sa buong Palawan.
Tumulong sa operasyon ang Philippine Coast Guard, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Philippine Army, at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Agutaya.
Hinihikayat ng task force ang mga residente na sundin ang mga hakbang laban sa ASF, kabilang ang pag-iwas sa pagpasok at pagbiyahe ng mga baboy at produktong gawa sa baboy mula sa mga apektadong lugar.



