No Images found.

DepEd San Vicente district pinagkalooban ng ng Riso machine

SAN VICENTE, Palawan-Pinagkalooban ng pamahalaang bayan ng San Vicente ang Department of Education District ng 12 units riso printing machine bilang tugon sa pagtataguyod ng distance learning sa munisipyo kaugnay ng bagong mode of learning dahil pa rin sa pandemyang dulot ng COVID-19.

Ang nasabing riso machine ay pormal na isinalin sa pangangalaga ng DepEd San Vicente District noong Lunes, Marso 29.

Ang Riso CV1200W ay isang high speed printing machine na may kakayahang mag-imprinta ng 100 pahina sa loob ng isang minuto.

Pormal na isinalin ni Mayor Amy R. Alvarez ang pangangalaga ng mga kagamitan kay Arlante N. Inventor, public schools district supervisor.

Ayon kay Inventor, ang mga kagamitan ay makakatulong sa pagpapabilis ng produksyon ng mga self-learning modules na ipinamamahagi sa mga mag-aaral. Malaking tulong din umano ang mga ito lalo’t marami sa mga printer na ginagamit ng mga guro ang nasira na.

“Una sa lahat ay gusto kong pasalamatan ang ating alkalde sa bayan ng San Vicente sa pagbigay ng Riso machines. Ito ay makakatulong sa ating mga estudyante at sa mga teachers sa pag-print ng mga modules,” pahayag ni Inventor.

“‘Yung dating printing machines…, ‘yung maliliit na machine ay talagang kung minsan idi-distribute na [ngunit] kulang pa rin ang modules na ibibigay sa ating mga estudyante. Marami ang maipi-print para at least ma-cope up namin ang iba’t ibang modules na p’wedeng i-distribute sa bawat grading period dito sa San Vicente,” dagdag niya.

Napag-alaman din mula kay Inventor na nakabase ang distribusyon ng naturang mga kagamitan sa pangkat na kinabibilangan ng mga paaralan at kung saan ay mayroong maayos na suplay ng kuryente.

“Ang Caruray group [halimbawa] ay dito sa Port Barton ipi-print ang kanilang mga SLMs o mga modules.” Sabi pa Ni Inventor

“Ang para sa New Canipo, Binga at Cauban at saka ‘yung New Canipo National High School ay ibabase sa Alimanguan kasi ‘yun ang mayroong kuryente na p’wede nilang magawa para sa ganoon ay tatagal din ang buhay ng RISO machines sa printing,” paliwanag ni Inventor.

Ilang mga guro naman ang sumailalim sa oryentasyon sa paggamit ng naturang kagamitan kamakailan.

Ang distance learning ay isa sa mga estratehiyang ginagamit ng DepEd sa pagtuturo ngayong panahon ng pandemya bilang alternatibong pamamaraan sa pagsasagawa ng face to face classes.

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry