Dalawang lalaki na may kasong panggagahasa sa bayan ng Narra at Bataraza ang nadakip ng awtoridad sa magkahiwalay na operasyon nitong araw ng Biyernes, Abril 23.
Unang nadakip ang suspek na itinuring na Rank No. 5 most wanted sa provincial level na si Mark Bong Diploma Mahinay, 43, mangingisda, at resident sa Barangay Panacan 1, Narra.
Si Mahinay ay nadakip sa isla ng Sitio Tataran sa bayan ng Quezon kung saan ito nagtago matapos na umano’y gahasain ang biktima nitong kapitbahay niya sa Narra noong 2019.
“Concerted effort ito ng iba’t-ibang unit kasi medyo matagal-tagal na nagtatago itong si Mahinay. Joint-effort ito ng Narra MPS (Municipal Police Station), Intelligence group, Quezon MPS, kasama ang iba pang unit ng maritime group. Nagtago ito sa isang isla sa Quezon at nagkaroon tayo ng information kaya nahuli siya doon,” pahayag ni P/Maj. Dhenies Acosta, hepe ng Narra MPS.
Ayon pa kay Acosta, pinasok ni Mahinay ang kanyang biktima sa mismong bahay nito habang wala ang asawa at doon na ginawa ang panggagahasa.
“Pagkatapos ng krimen ay doon na siya pumunta sa Quezon at nagtago. Noong pinapunta namin ang biktima dito sa amin, kinumpirma niya na si Mahinay talaga ang gumahasa sa kanya,” dagdag niya.
Si Mahinay ay inaresto sa bisa ng warrant na inilabas ni Judge Angelo R. Arizala ng Regional Trial Court (RTC) Branch 52 sa Lungsod ng Puerto Princesa para sa kasong rape na may petsang August 30, 2019.
Sa Brgy. Rio Tuba sa bayan ng Bataraza ay nadakip din ang itinuturing na Rank No. 7 most wanted sa municipal level sa kaparehong kaso na kinilalang si Siman Mohammad Abdulhamid.
Si Abdulhamid ay inaresto ng tauhan ng Bataraza MPS sa bisa ng warrant na inilabas ni RTC Branch 165 Presiding Judge Ramon Chito Mendoza noong Pebrero 6, 2020.
Walang nakalaang piyansa sa kaso ng dalawa na sa ngayon ay nasa kustodiya ng mga kanya-kanyang MPS.
