Dalawang wanted sa batas arestado sa Rizal at Brooke’s Point

Arestado ng mga awtoridad ang dalawang wanted sa batas sa magkahiwalay na operasyon sa bayan ng Rizal at Brooke’s  Point kahapon araw ng Biyernes, Mayo 7.

Unang naaresto ng operatiba ng Rizal Municipal Police Station (MPS) ang Rank No. 1 most wanted na kinilalang si Jolito Palma Patagatay, 42, sa Purok Pinag-isa, Barangay Candawaga.

Si Patagatay ay suspek sa pagpatay sa kanyang kaibigan na si Jonie Aragob noong July 7, 2020.

Ayon kay chief investigator ng Rizal MPS na si P/SMS Francis Dionne Francisco, nadamay lang ang biktima sa gulo, kung saan iba talaga ang pakay ng suspek.

“Sabi ng mga witness, si Patagatay lang ang tao na posibleng gumawa ng pagpatay. Hindi naman din ang biktima ang target, kundi yung isang involve talaga sa nangyaring gulo at nadamay lang ang biktima. Bladed weapon ang ginamit sa biktima, damage sa ulo at ibang parte ng katawan ang tinamo niya kaya namatay,” pahayag ni Francisco.

Sa Brooke’s Point, arestado rin ang Rank No. 2 most wanted ng nasabing bayan dahil sa kasong robbery.

Ang suspek ay kinilalang si Joemart Martisano Centeno na pinaghihinalaang nagnakaw sa New Panay, Brgy. Maasin kung saan siya ay nag-trabaho bilang caretaker. Subalit ayon sa kanya, pinagbintangan lamang siya.

“Isinumbong sa atin ng informant kung nasaan ang suspek, kaya agad naman namin itong pinuntahan. Ang sabi niya napagbintangan lang daw siya tapos hindi na umimik,” pahayag ni P/Lt. Mark Sigue, hepe ng Brooke’s Point MPS.

Ang dalawa ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Judge. Ramon Chito R. Mendoza, ng Regional Trial Court Branch 165 sa Brooke’s Point, Palawan

Sila ay kasalukuyang nasa kustodiya ng MPS habang walang nakalaang piyansa pars sa kanilang pansamantalang kalayaan.

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry