No Images found.

Dalawang residente ng San Vicente, nahulihan ng iligal na baril

Dinakip ng mga operatiba ng San Vicente Municipal Police Station (MPS) ang dalawang indibidwal matapos silang makumpiskahan ng iligal na baril at mga bala sa kanilang bahay sa Sityo Old Site, Barangay Caruray, Sabado (Pebrero 20) ng umaga.

Ang mga suspek ay kinilalang sina Willam Vicete Pernites at Reynel Etona, kapwa residente ng nasabing lugar.

Nakumpiska sa dalawa ang isang Armscor shotgun, tatlong bala, dalawang basyo ng bala, at isang magazine pouch para sa shotgun.

Ayon kay San Vicente MPS chief P/Lt. Erickson Dimalaluan, si Pernites lamang ang target ng kanilang operasyon base sa Search Warrant laban dito na inilabas noong Pebrero 11.

“May mga reklamo kasi sa kanya sa pagpapaputok lagi ng baril. Ang report sa amin, marami pa siyang baril pero ang nakita lang natin ay ang shotgun, na inamin ni Etona na pag-aari niya,” pahayag ni Dimalaluan.

Ayon pa kay Etona, nagtatrabaho siya sa ibang lugar bilang security guard, ngunit walang naipakitang dokumento.

“Wala siyang lisensya, sinabi niya lang na nagse-security siya doon sa private beach, kung saan namin sila nahuli,” ani Dimalaluan.

Ang dalawa ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act)  at kasalukuyang nasa pangangalaga ng San Vicente MPS.

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry