Dalawang indibidwal ang inaresto ng mga awtoridad habang ang iba nilang kasamahan ay nakatakas matapos na maaktuhang nagsasabong sa Barangay Cataban sa bayan ng Taytay, araw ng Linggo, Abril 18.
Ang mga suspek ay kinilalang sina Jujet Santos Bandola, 39, at Eddie Faustino Peña, 64, mga residente ng nasabing bayan. Nakuha sa kanila ang tatlong buhay at isang patay na manok pangsabong, isang tari at P300 na pera.

Ayon kay P/Lt. Argie Eslava, hepe ng Taytay Municipal Police Station (MPS), nahuli ang mga suspek dahil sa ibinigay sa kanilang impormasyon na may tupada sa nasabing lugar. Idinagdag pa ni Eslava na isa rin sa mga dahilan kaya nahuli ang mga suspek ay dahil matao ang lugar at malapit lang ito sa isang bahay na may nakaburol.
“Joint operation namin yan kasama ang RMFB-4B (Regional Mobile Force Battalion at RID (Regional Intelligence Division). Information lang ng region yan at kami lang ang nag-arrest. Bago lang iyong information na yan na may nagtutupada kasi may burol iyon na katabi nila (kaya nalaman), kaya rin namin nahuli ang mga suspek na ito kasi nahawakan namin agad,” pahayag ni Eslava.
“Actual namin silang nakita na nagtutupada noong time na iyon. Marami yan sila, nagsitakbo lang doon sa masukal na lugar at tumakas pabayan ang iba. Kung saan-saan na sila nagtakbuhan nang malaman nilang may pulis. May mga bata pa nga doon na nanunuod kaya iyon ang (problema) doon kasi maraming kabahayan,” dagdag pa ni Eslava.
Ang dalawang suspek ay nasa kustodiya kasalukuyan ng Taytay MPS at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 o illegal cockfighting.
