Dalawang lalaki ang magkasunod na dinakip ng awtoridad sa magkahiwalay na buy-bust operation sa bayan ng Roxas, noong Linggo, May 9.
Unang inaresto si Pepe Martinez Lagan, 48, isang tindero, sa Barangay Magara, 5:40 ng umaga. Nakuha sa kanya ang dalawang sachet ng pinaghihinalaang shabu.
Ayon kay P/Maj. Erwin Carandang, hepe ng Roxas Police Station (MPS), maliban sa nabili sa suspek ay nakuha rin dito ang tatlo pang sachet ng pinaniniwalang shabu na may bigat na 1.55 grams at tinatayang nagkakahalaga ng P12,400, tatlong rolyo ng foil, P1,000, at limang pirasong P1,000 na ginamit sa buy-bust.
“First time natin naka-encounter nito, parang package na siya na pagbili mo ng shabu sa pusher, kasama na ang foil na gagamitin. Ready to use na talaga agad,” pahayag ni Carandang.
Agad ding itinuro ng suspek ang pinagkukunan nito ng droga na kinilalang si Jonnel Cabiguen Gabinete, 32 taong gulang, residente ng Purok Damayan sa kaparehong barangay.
Ganap na alas nueve ng umaga naman nang maaresto rin si Gabinete matapos mabilihan ng pinaghihinalaang shabu na may bigat na .6 grams. Nakuha rin sa kanya ang P2,000 buy-bust money at isa pang sachet na may timbang na .56 grams at nagkakahalaga ng P2,000, at isang cellphone.
Ayon pa kay Carandang, nalaman nila kay Gabinete na nitong nagdaang linggo lang ay nahuli ang source nito ng droga sa Lungsod ng Puerto Princesa.
Agad ding isinailalim ang dalawa sa drug test matapos umaming bago naaresto ang mga ito ay gumamit pa ng droga.
“Agad natin silang ipina-drug test. Umamin sila na bago natin nahuli kahapon, noong gabi gumamit pa sila ng drugs,” ani Carandang.
Ang dalawa ay nasa kustodiya ngayon ng Roxas MPS at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Section 5 at 6 ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
