ESPAÑOLA, Palawan – Isasailalim sa 14 days Enhanced Community Quarantine (ECQ) o critical zone ang dalawang barangay sa bayang ito matapos na makapagtala ng mataas na kaso ng local transmission ng COVID-19 upang mapigilan ang patuloy na pagdami ng nasabing virus.
Ang mga barangay ng Pulot Center at Pulot Shore ay ilalagay sa ECQ status simula ngayong araw ng Biyernes, Mayo 28 matapos na aprubahan ng Regional Inter-Agency Task Force (RIATF) on Covid-19 ang kahilingan ng Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF) ng Sofronio Española.
Sa panayam ng Palawan News kay Mayor Marsito Acoy nitong ng Huwebes, Mayo 27, sinabi niya na inabisuhan niya na ang mga residente ng dalawang barangay na paghandaan na ang pagpapatupad ng ECQ.
“Binigyan agad ng mandato ang mga tanod at pulis na ipatupad ang mga boundary checkpoints sa dalawang barangay. Pinakikiusapan din ang mga residente na makipagtulungan sa mga checkpoints natin,” pahayag ni Acoy.
“Ang mga residente sa loob ng critical zone ay limited ang galaw. Isang awtorisadong miyembro lang ng pamilya ang pwedeng lumabas ng bahay para bumili ng gamut, pagkain at iba pang pangangailangan,” dagdag niya.
Sa guidelines ng MIATF, bukas ang palengke ngunit tanging residente lamang ng dalawang critical zones ang maaaring makapasok at makapagtinda. Papayagan ding magbukas ang mga grocery stores, drugstores, pharmacies, hardware, laundry shops, water station, gas stations ngunit hanggang alas otso lamang ng gabi.
Papayagang magbukas ang mga carenderia, mga restaurant, at fast food ngunit take out at delivery lang ang puwede at hindi maaring tumanggap ng dine in. Ipapairal naman ang 50 percent skeletone workforce sa mga money transfer, bangko, pawnshop, funeral o embalming services at ang pasok sa gobyerno.
“Kung taga ibang barangay ka at may pwesto ka sa palengke, hindi ka muna pwedeng magbukas pero kung ikaw ay residente ng critical zone ay papayagan kang magtinda,” paliwanag ni Acoy.
“Sa madaling sabi, walang mga taga ibang barangay ang pwedeng makapasok sa Pulot Center at Pulot Shore,” aniya.
Dagdag pa ni Acoy, dahil may nasasakupang bahagi ng national highway ang Pulot Center, papayagan namang makadaan ang mga passing through vehicles na patungo sa ibang mga lugar. Papayagan ding makapasok sa critical zones ang mga cargo at delivery vehicles.
Samantala, ipagbabawal naman ang mass gatherings, pagbisita ng mga hindi residente ng critical zones at mga leisure activity katulad ng jogging.
Kailangan ding kumuha ng quarantine pass ang lahat ng residente na lalabas upang magtrabaho sa ibang barangay na hindi nakasama sa critical zones o sa karatig na munisipyo.
“Ang mga taga ibang barangay na ang trabaho ay nandito sa loob ng dalawang barangay na isasailalim sa ECQ, kung mayroon silang matuluyan sa loob, kung maari ay doon muna sila makituloy,” pakiusap ni Acoy.
