Ipinagkaloob ng DA-SAAD Mimaropa ang 750 native chicken sa mga tagalog at katutubong samahan ng magmamanok sa brgy. Udalo, bayan ng Abra De Ilog bilang benepisyaryo ng programa ng ahensya at tumanggap rin sila ng mga pagsasanay upang maparami ang mga ito. (Larawan mula sa DA SAAD Mimaropa)

 

Tumanggap ng 750 native chicken ang mga samahan ng mga tagalog at katutubong magmamanok sa Brgy. Udalo, bayan ng Abra De Ilog mula sa Department of Agriculture- Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) Mimaropa kamakailan. Ang bawat magsasaka ay binigyan ng tig-sampung piraso ng manok bilang mga benepisyaryo ng programa ng ahensya.

Ang Lacbawan Chicken Raisers Association na may 35 kasapi ay tumanggap ng 350 native chicken, feeds at mga darak, ang Lucutan Chicken Raisers Association at Manukang Nayon na binubuo ng 40 miyembro ay nabigyan naman ng 400 ulo ng manok, darak at feeds.

Sa isinagawang paggawad ng mga naturang benepisyo, nagbigay rin ang ahensya ng pagsasanay na may kaugnayan sa pangangalaga at pagpaparami ng native chicken. Dumalo ang mga miyembro ng apat na samahan ng mga Tagalog at Iraya-Mangyan; ang manukang Nayon Farmers Association, Lucutan Chicken Raisers Association, Sitio Calumpit Chicken Raisers Association, at Sitio Lacbawan Chicken Raisers Association.

Sa naturang pagsasanay na ginanap sa Municipal OPCen sa bayan ng Abra De Ilog na pinangunahan ng DA SAAD Area Coordinator at mga Municipal Agriculturists ng nasabing bayan, 90 mga magmamanok ang dumalo upang matutunan nila ang mga wastong kaalaman sa pag-aalaga ng native chicken.

Samantala, ayon sa ahensya, ang Sitio Calumpit Chicken Raisers Association at Balao Chicken Raisers Association ay makakatanggap pa lamang ng mga manok, feeds at darak. (PIAMimaropa/Calapan)

About Post Author

Previous articlePalawan palay farmers are getting the short end of the stick
Next articleLPA to bring rains over southern Luzon including Palawan