Mas aktibong sumunod ang mga mamamayan ng Puerto Princesa City noong unang ipinatupad ang curfew at liquor ban sa panahon ng strict quarantine kumpara sa kasalukuyan.
Ito ang sinabi ni P/Maj. Mhardie Azares, tagapagsalita ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO). Aniya, tila binabalewala na lang ng mga tao ang COVID-19 sa ngayon dahil hindi na agad sumusunod sa ipinatutupad na liquor ban at curfew hours policy ngayon.
Ilan umano sa mga lumabag pa rin sa kautusan sa ikalawang gabi ng implementasyon ng Executive Orders No. 46 at 47, series of 2020, na inilabas kamakailan ng city government ay ang mga bar, at ilang indibidwal na nasa labas pa rin ng kanilang mga bahay pasado alas dyes ng gabi.
“May mga computer shops na medyo late na rin magsara at may mga tambay doon, ‘yon ang usually natin na napapansin. ‘Yong mga bars naman usually dito ‘yan sa linya ng runway,” ani Azares.

Matatandaan na unang nagpatupad ng curfew at liqour ban ang lunsod noong nasa ilalim ito ng enhanced communitt quarantine (ECQ) at naging cooperative ang marami sa pagsunod sa polisiyang ipinatupad.
Sa kabila nito, sinabi pa rin ni Azares na hindi pa rin nila hinuli ang mga ito bagkus ay pinauwi at nagbigay lamang sila ng babala.
“More on reminders muna tayo tayo dahil nga humanitarian consideration, naghihirap din ang ating mga kababayan. Pinapauwi nalang natin sila,” dagdag pa niya.
(With reports from Aira Genesa Magdayao)