Ang mga Covid sheriff ng Puerto Princesa City habang naghahanda sa kanilang pagbibigay ng notice of violation sa mga mahuhuling lalabag sa minimum health protocol. | Larawang ni Michael Escote/PIA-Palawan

Nagsimula na noong June 1 na magbigay ng notice of violation ang mga Covid sheriff ng lungsod.

Sa panayam ng PIA-Palawan kay Ernan Libao, head ng Covid Sheriff Program ng pamahalaang panglunsod, sinabi niya na tuloy-tuloy na ang kanilang pagbibigay ng ticket sa mga mga mahuhuling lalabag sa minimum health protocols at mahigpit nila itong ipatutupad.

Ayon sa kaniya, kasama ng mga Covid sheriff ang mga kapulisan at barangay tanod sa pagiikot sa ibat-ibang lugar dito sa siyudad at kapag mayroong makukulit ay idinadaan nila  ito sa diplomasya hanggat maaari pero posible ring makasuhan ang mga ito .

“Kung may resistance ay handa ang ating city legal office upang magsampa ng kaukulang reklamo o demanda kung kinakailangan’ dagdag pa ni Libao.

Kinumpirma niya rin na sa unang araw ng pagbibigay ng notice of violation o ticket ay marami ang kanilang nahuling lumalabag sa minimum health protocol tulad ng hindi pagsusuot ng face mask at face shield.

‘Maraming naisyuhan ng notice of violation kahapon, karamihan dito ay ‘no face shield’ ani Libao.

Batay sa ordinansa, ang mga lalabag sa minimum health protocol tulad ng hindi pagsusuot ng face mask at face shield ay pagmumultahin ng P500 sa unang paglabag, P2,500 sa pangalawang paglabag at P5,000 sa ikatlong paglabag.

Kabilang sa kanilang mga ipinapatupad na batas ay ang City Ordinance 1050, City Ordinance 1056 at ang Republic Act 11332.

Ang buong lungsod ay nasa ilalim ngayon ng Modified Enhance Community Quarantine (MECQ) dahil sa patuloy na nararanasang pagtaas ng mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). (MCE/PIA-MIMAROPA)

Previous articleMore rains expected in N. Palawan
Next articleKaso ng COVID-19, paakyat pa rin sa Roxas at San Vicente