Larawan mula sa El Nido MPS

Sunog at lapnos sa iba’t-ibang parte ng katawan ang inabot ng isang construction worker sa bayan ng El Nido matapos makuryente dahil sa kable ng kuryente ng PALECO habang nasa trabaho sa Barangay Maligaya, Lunes ng umaga.

Ang 38 anyos na biktima ay kinilalang si Jerson Bejona, construction worker ng Cherry Makar Construction na naka-base na nabanggit na bayan.

Ayon kay P/Sgt. Fe Amisola, imbestigador nang nangyaring insidente, kinukuha ng biktima ang isang tubo ng aksidenteng sumabit ito sa kable ng kuryente.

“Nagtatrabaho sila doon sa may Cherry Makar Construction site, tapos iyong tao po na nakuryente habang nagtatrabaho ay tinanggal niya iyong GI pipe — iyon ay ginagamit nila na scaffolding. Habang tinatanggal niya ‘yon ay aksidenteng nagalaw iyong live wire, kung baga nasagi ng GI pipe iyong live wire, distribution line ng PALECO kaya doon dumaloy iyong kuryente sa katawan niya,” kuwento ni Amesola.

Mabilis itong naisugod sa malapit na pagamutan pero kalaunan ay pinayuhang dalhin sa Puerto Princesa dahil sa tinamong pinsala sa katawan.

“Saglit lang siya nakuryente dahil nabitawan niya rin agad iyong GI pipe. Tapos doon din ang mga katrabaho niya na nakarinig ng sigaw niya. Noong nakita na siya, agad siyang tinulungan saka dinala sa Adventist Hospital. Pero dahil sa nagkaroon ng second degree burn, pinadala na po siya agad sa Puerto noong Lunes po nga hapon,” dagdag ni Amesola.

Nilinaw naman ng Palawan Electric Cooperative na wala silang naging pagkukulang sa nasabing insidente.

Sinabi ni  PALECO El Nido area chief Romy Guinto na posibleng may kahabaan ang tubo na umabot sa linya ng kanilang kuryente.

“Mataas naman po ang ating linya, kaya lang syempre matataas ang mga construction, baka pag gumagawa ang mga construction worker baka di na nila napapansin na yong mga steel bar nila umaabot na sa ating linya,” pahayag niya.

Maliban kay Bejona, isa pang  hindi na pinangalanang katrabaho nito ang nadamay, ngunit agad ding nakalabas ng pagamutan.

 

About Post Author

Previous articleValidity of SSS-issued LBP checks generated from July to December 2020 extended to 180 days
Next articleDecision to allow face-to-face classes still up to Duterte: Roque