Construction worker, patay matapos madaganan ng dump truck


Isang construction worker ang nasawi at isa ang sugatan matapos madaganan ng isang dump truck sa Sitio Iluluway, Alfonso XIII, Quezon ganap na ika-12:25 ng tanghali ngayong araw, July 12.

Ayon sa panayam ng Palawan News kay P/Maj. Lodel Lota, officer-in-charge ng Quezon Municipal Police Station (MPS), ang nasawi ay kinilalang si Alyas “Ading Nueva”, 25 taong gulang, at mixer operator sa ginagawang kalsada. Ang isa naman niyang kasama na hindi pa alam ang pangalan ay sinasabing nasa kritikal na kalagayan sa isang pagamutan.

Ang driver ng truck ay kinilalang si Donito dela Cruz, 59-years old at residente ng bayan ng Narra.

“May natanggap kaming report na may isang vehicular accident sa daan papuntang Tabon Cave, allegedly may truck na natumba at may nadaganang construction worker. Base sa investigation ang nakadagan sa biktima ay isang 10-wheeler dump truck na may kargang mga bato at buhangin,” ayon kay Lota.

Sabi ni Lota, matarik ang daan na siyang dahilan ng pagkawala ng kontrol ng driver sa truck na minamaneho.

“Medyo matarik ang portion ng daan na ‘yon kaya na-lose control ‘yong driver hindi namaniobra ng maganda. Tumama siya sa railings ng kalsada then tumaob at ayon nga nadaganan niya ‘yong dalawang operator ng manual mixer,” ayon pa kay Lota.

Hinihintay pa ng Quezon PNP ang pamilya ng nasawing biktima upang malaman ang kanyang tunay na pangalan . Hinihintay pa rin nila ang back hoe na magmumula sa Narra upang maialis ang labi ni “Alyas Ading” Nueva sa pagkaakaipit mula sa truck.

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...