Tatlong sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 4.24 gramo at nagkakahalaga ng ₱28,832 ang nasamsam mula sa isang construction worker sa buy-bust operation sa Barangay Pulot Center, Sofronio Española nitong Miyerkules, Hulyo 29.
Isinagawa ng mga awtoridad ang operasyon dakong 7:30 ng umaga matapos umanong bentahan ng 38 anyos na suspek ang isang undercover police operative ng isang sachet ng hinihinalang shabu kapalit ng ₱1,000.
Narekober pa umano sa body search ang dalawa pang sachet ng hinihinalang shabu.
Ayon sa pulisya, residente ng Barangay Pulot Center ang suspek at kabilang siya sa mga bagong tukoy na personalidad na umano’y sangkot sa ilegal na droga.
Pinangunahan ang operasyon ng Sofronio Española Municipal Police Station katuwang ang Palawan Provincial Drug Enforcement Unit, 1st Palawan Provincial Mobile Force Company at Provincial Intelligence Unit. Nakipag-ugnayan din ang mga operatiba sa Philippine Drug Enforcement Agency MIMAROPA.
Inihahanda laban sa suspek ang mga kasong paglabag sa Section 5, o pagbebenta ng ilegal na droga, at Section 11, o pag-iingat ng ilegal na droga, ng Republic Act No. 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nasa kustodiya na ng Sofronio Española Municipal Police Station ang suspek habang kinukumpleto ang dokumentasyon para sa pagsasampa ng mga kaso.



