Photo grab mula sa CCTV footage na ibinahagi ng grocery store na hindi na pinangalanan. (Photo courtesy of Bandera Palawan)

Nagbabala ang Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) Station 1 sa mga convenience at grocery stores na tutukan ng maigi ang kanilang mga closed circuit television (CCTV) cameras o maglagay nito para higpitan ang kanilang seguridad laban sa mga shoplifters.

Ang pagbibigay babala ay ginawa ni Insp. Rey Aron Elona, tagapagsalita ng PPCPO Station 1, matapos makuhanan ng CCTV sa isang grocery store noong Linggo, February 17, ang tatlong babaeng suspek na sinasabing magkakasabwat sa pagnanakaw ng 13 reams ng sigarilyo.

Hindi pinangalanan ang grocery store pero sa kopya ng CCTV na ibinahagi nito ay makikitang lumapit ang isa sa suspek sa counter para kunwari ay magbayad. Ang isa naman ay abala sa pakikipag-usap sa cell phone at tila tinatakpan ang isa pang kasama nito para makakuha ng tyempo para kunin ang mga sigarilyo.

Ang babaeng nasa harap ng counter ay umaakma na parang nilalansi ang kahera para magkaroon ang kasama ng pagkakataon na madaling madampot ang sigarilyo at ilagay sa bitbit nitong basket.

Ayon sa store supervisor na si Eric Reynoso, tinakpan lang ng malapad na papel ang basket para hindi mapansin ng iba pang tao sa paligid.

Dati na raw nilang nahuli ang babaeng may kausap sa telepono at nakulong na rin ito pero bago sa kanilang pagkilala ang dalawang kasama nito.

“Yong isang babaeng mataba, kilala ko ‘yan dahil nahuli na namin dati. Tapos ngayon bumalik na naman may mga kasama na. Ang ginagawa ng mga iyan, lilituhin ang mga empleyado tapos ‘yong isa ang kukuha ng paninda,” sabi pa ni Reynoso.

Idinagdag pa niya na marami na silang nahuhuling shoplifters pero hindi naman nila nasasampahan ng kaso dahil sa naaawa sa mga suspek ang may-ari ng grocery store.

Sabi ni Elona, ayon din sa record nila, karamihan ay hindi nasasampahan ng kaso sa korte ng mga complainant.

“May mga kaso na kaming ganyan din pero ang nakakalungkot ay hindi natutuloy ang pag-file ng kaso dahil naaawa. Pero may iba namang nakakasuhan talaga,” dagdag na pahayag ni Elona.

Aniya, hindi matitigil ang problema kung hindi sasampahan ng mga kaso ang mga mahuhuling nagnanakaw ng paninda.

Previous articleProbe land grabbing reports, City Council asks NBI, PNP
Next articleMurder suspects nabbed in Taytay