QUEZON, Palawan — Nagsasagawa ng regular na pag-iikot sa 14 na mga barangay dito ang Bureau of Fire Protection (BFP) para sa malawakang kampanya laban sa sunog.
Ayon kay Fire Officer 1 Jasper Cruz, ang kampanya ay kanilang ginagawa bilang tugon sa patuloy na pagkakaroon ng kaso ng sunog sa Quezon.
Ang mga inikutan ng awareness drive laban sa sunog ay mga establisyemento, paaralan, opisina, pamilihan at iba pa na maaaring pagmulan ng sunog dahil ang buwan ng Marso ay Fire Prevention Month.
“Bilang pagtugon sa patuloy na kaso ng mga sunog dito sa bayan ng Quezon, kami ay regular na nagbibigay paabiso, babala, at payo sa mga residente na mag-iingat lalo na sa paggamit ng mga bagay na magiging sanhi ng sunog. Kami ay nag-iikot sa mga barangay, paaralan, opisina, pamilihan, at sa mga lugar na halos gumagamit ng LPG tulad ng mga restaurant at iba pa, upang mag-bigay sa kanila ng impormasyon tungkol sa tudong pag-iingat,” sabi ni Cruz.
Binanggit din niya na noong nakaraang taon ay halos sunod-sunod ang mga tawag upang mag-responde sa mga sunog, ang iba naman ay mga ulat na lamang ang kanilang natanggap mula sa mga barangay kung saan merong nasunugan.
Dahil malalayo, minsan ay natatagalan ang responde, at karamihan din ay grass fire.
“Dahil sa layo minsan matagal ang responde sa mga barangay, karamihan kasi ay grass fire ang dahilan. Halos dito sa bayan ang mga na-respondihan natin na sunog ay nanggaling sa mga kabahayan at mga tindahan. Ang dahilan ng sunog ay dahil sa short circuit ng electrical wires,” sabi pa niya.
“Mayroong major injuries at fatalities kapag hindi maagapan, minsan mahirap mag-responde lalo na kung walang daanan ang fire truck natin o di kaya ay makitid ang daan at dikit-dikit ang mga kabahayan,” idinagdag ni Cruz.
Sinabi rin niya na dapat alamin ang tamang pamamaraan ng pag-apula ng apoy, mga tamang kagamitan sa pag-apula at kung anong tamang gamit sa klase ng apoy na dapat apulahin.
Aniya, makakatulong ang pagkakaroon ng mga barangay fire brigades na maaaring tumulong sa panahon na may sunog.
“Kaya nga namin ini-encourage ang mga barangay na magkaroon ng barangay fire brigades o team na s’yang mangunguna sa pag-apula ng sunog sa barangay na nasasakupan. Sila ay dumadaan din sa pagsasanay at pagtuturo ng impormasyon sa tamang pag-apula ng sunog,” pahayag ni Cruz.
Dagdag Pa niya na isa ang Brgy. Alfonso XIII sa mga nakabuo na ng team at ang Brgy. Berong, ngunit ito ay sa private sector at wala pa rin mula sa mismong barangay.