BROOKE’S POINT, Palawan — Tatlumpung porsiyento lamang ng mga empleyado ng lokal na pamahalaan ng bayan na ito ang papayagang pumasok sa opisina ngayong May 17, 2021.
Ito ay upang mapanatili ang social distancing matapos na mag-positibo sa antigen test na isinagawa kamakailan ang ilan at kanilang mga kaanak.
Ayon sa bagong update na ipinost ng Municipal Inter Agency Taskforce (MIATF) sa kanilang official bulletin and tracker, gagawin na lamang ang general disinfection pagkatapos ng office hours mamayang hapon.
“Nais linawin at ipagbigay-alam ng ating lokal na pamahalaan na ang mga pampublikong transaksiyon at serbisyo nito ay mananatiling bukas at magpapatuloy ngayong araw ng Lunes, May 17, 2021. Sa halip na suspension ay 30% workforce lamang nito ang papapasukin dahil may iilang empleyado at kaanak nila ang nag-positibo sa rapid antigen test.
Taliwas sa naging unang pabatid, ang general disinfection ay gagawin pagkatapos ng working hours upang hindi maantala ang mga pampublikong transaksiyon.
Samantala, tuloy-tuloy ang serbisyo publiko ng lokal na pamahalaan, bagama’t magiging 30 porsiyento lamang ang papasok sa opisina, mananatili naman 50 porsiyento ang mga impleyadong nakatalaga sa labas ng gusali.
“Gusto kong tuluy-tuloy ang ating serbisyo publiko ngunit dapat rin nating isaalang-alang ang kalusugan at kaligtasan ng bawat isa,” ayon kay mayor Mary Jean Feliciano.
